NASA mahigit kalahati na ng PHP 22.9 billion ayuda ang naipamahagi ng pamahalaan sa National Capital Region Plus na isinailalim sa enhanced community quarantine kamakailan.
Ito ay ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG) kaugnay sa sinasabing mabagal na disbursement ng inilaang financial assistance ng DSWD sa mahihirap na residente na nakapaloob sa NCR Plus bubble na isinailalim sa 2-week ECQ.
Ayon kay Interior and Local Government Secretary Eduardo Año, umaabot na sa 61.85% ang naipamahagi sa kabuuang P22.9 billion na pondo na inilaan ng gobyerno para sa mga apektadong residente ng NCR Plus.
Sa datos na isinumite ng mga local government unit sa kagawaran, nasa 68.51 porsyento na ang naipamahagi sa Metro Manila at mayruon ng ECQ-fund disbursement, sumunod ang Laguna na may 65.76% completion, Rizal with 56.9%, Bulacan with 53% at pinakakulelat ang Cavite na nasa 47 porsyento pa lamang.
Magugunitang pinagbigyan ng DILG ang kahilingan ng ilang LGUs na pagkalooban sila ng one-time extension para sa cash aid distribution.
Sinang-ayunan ni Sec Año ang hiniling na palugit ng mga LGU hanggang May 15.
Nasa P4,000 cash aid ang ibinigay ng pamahalaan sa bawat kuwalipikadong pamilya.
Pinuri naman ng kalihim ang mga LGU sa maayos na pamamahagi ng pinansyal na tulong kasunod ng babala na papananagutin ang mga local official na mapatutunayang magbubulsa ng pera ng gobyerno.
Magugunitang sa lungsod ng Maynila ay may 26 na barangay chairman ang hindi nagsumite ng talaan ng kanilang mga kuwalipikadong residente kaya nganga ang mga pamilyang nasasakupan sa ipinamamahaging ayuda. (JESSE KABEL)
