AMINADO si Senador Manny Pacquiao na nakukulangan siya sa mga pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa agresibong aksyon ng China sa West Philippine Sea.
Ipinaalala ni Pacquiao na isa sa nagpalakas ng loob ng mga Filipino ang naging pahayag ni Pangulong Duterte noong kampanya na handa itong magjetski at maglagay ng bandila ng Pilipinas sa WPS.
“Nakukulangan ako doon kumpara doon sa bago pa siya tumakbo, mag-eeleksyon pa lang dapat ipagpatuloy niya yun para magkaroon din naman tayo ng respeto,” saad ni Pacquiao.
Umaasa ang Pambansang Kamao na maninindigan ang pangulo para ipaglaban ang teritoryo ng bansa.
“Ang gusto ko ang ipakita na manindigan tayo wala tayong pabuckle buckle para lumakas din loob ng ating mga kababayan. Ipaglaban natin ang bansa natin, I hope na ganun din nararamdaman ng ating mga kababayan,” pahayag ni Pacquiao.
“Ipaglaban natin. Parang bakuran mo ‘yan may nagtatayo ng kubo papayag ka ba? Ganun ‘yan dapat manindigan tayo. Ang sa atin pakikipagkaibigan, pero kapag inaapakan hindi naman tayo natutulog sa pansitan,” dagdag pa ng senador. (DANG SAMSON-GARCIA)
