NAKAPAMILI na si Pangulong Rodrigo Roa Duterte kung sino ang susunod na hepe ng Philippine National Police (PNP).
Gayunman, sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, wala siyang go signal para isiwalat at ianunsyo sa publiko kung sino ang napisil ni Pangulong Duterte na kapalit ni PNP chief Police General Debold Sinas, na nakatakdang magretiro sa Mayo 8.
“I know he has made the decision but I’m not at liberty to announce anything unless I have the appointment paper,” ayon kay Sec. Roque.
Kaugnay nito, sinabi naman ni DILG Secretary Eduardo Año na isang pangalan lamang ang isinumite ng National Police Commission (Napolcom) para maging kapalit ni Sinas.
Sinabi ng kalihim na na anomang araw ngayong linggo ay inaasahang iaanunsyo ni Pangulong Duterte ang bagong PNP Chief.
“Within the next few days, bago matapos ang linggong ito ay magkakaroon ng anunsyo ang ating pangulo kung sino ang kanyang pipiliin dahil may karapatan ang pangulo na pumili from any of the star-ranked of the Philippine National Police,” ayon naman kay DILG usec. Jonathan Malaya.
Samantala, sinabi naman ni Año na ibinase nila sa merito, seniority at kapabilidad ng liderato at dating assignment sa PNP ang inendorso nilang kapalit ni Sinas. (CHRISTIAN DALE)`
