NANANATILING “under attack” ang fourth state o ang media sa kasalukuyang panahon.
Ito ang opinyon ni Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Zarate dahil isang araw bago ang paggunita sa World Press Freedom Day, isang miyembro ng National Union of Journalists in the Philippines (NUJP) sa Capiz, ang itinumba.
Ang tinutukoy ni Zarate ay ang biktimang si John Heredia, 54, dating chairman ng NUJP sa Capiz, na pinatay ng riding in tandem noong Linggo sa Roxas City.
Kamakalawa lamang aniya, isang mamamahayag sa Kalinga ang pinilit na burahin ang kuha nitong larawan na nagpapakita sa maling gawain umano ng mga pulis sa nasabing lalawigan.
“Tragically ironic the commemoration of World Press Freedom Day when media in the Philippines is still under attack under the Duterte administration by anti-democratic forces at its employ or encouragement. These attacks are highly abhorrent and condemnable,” ani Zarate.
Mula 2016 aniya, 19 mamamahayag na ang pinatay sa ilalim ng Duterte administration base sa report ng Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR).
Nangangamba ang mambabatas na madagdagan pa ang bilang na ito dahil kabilang ang mga mamamahayag sa nire-red tag ng gobyerno dahil sa pagsusulat at pagsisiwalat ng mga ito ng katotohanan.
“Malacañang does not want to hear the truth as they happen; they do not want criticisms of their failures as all they want to hear is their own fake news,” ayon pa sa mambabatas.
Dahil dito, umapela si Zarate sa media na huwag matakot at patuloy na gawin ang kanilang trabaho dahil nakasalalay umano sa mga ito ang katotohanan at katarungan sa bansa.
Magugunitang hindi umabot nang buhay sa pagamutan si Heredia, matapos tambangan ng hindi kilalang mga suspek sa Brgy. Lawaan, Roxas City sa lalawigang ito, noong Mayo 2.
Si Heredia ay binaril dakong alas-2:00 ng hapon sa parking lot ng CitiHarware sa Brgy. Roxas City, Capiz.
Si Heredia ay idineklarang dead on arrival sa Capiz Doctors Hospital.
Bukod sa pagiging journalist, si Heredia ay municipal administrator ng Pilar, Capiz at visual artist, musician at founding member ng bandang “Tingog ni Nanay”.
Asawa ni Heredia ang human rights lawyer na si Atty. Cris Heredia na nakaligtas sa ambush kasama ang kanyang anak at kliyente habang lulan ng kanilang sasakyan noong Setyembre 23, 2019 sa Panit-an, Capiz. (BERNARD TAGUINOD/JOEL O. AMONGO)
