INATASAN ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang pagpatay kay government consultant Mariano Antonio “Marton” Cui III sa San Carlos City, Negros Occidental noong nakaraang buwan.
Sa inisyal na imbestigasyon ng San Carlos City Police Station, napag-alaman na lumabas si Cui sa kanyang opisina at pasakay na sa kanyang sasakyan kasama ang dalawang bodyguard nang maganap ang krimen.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, mariing tinuligsa ni Pangulong Duterte ang pagpatay kay Cui, na nagsilbi rin bilang chief-of-staff ni dating Negros Occidental first district Representative Jules Ledesma.
“Nakikiramay po ang presidente sa pamilya at sa mga taga-Negros dahil alam po namin na mahal si Mr. Cui sa buong probinsiya ng Negros,” pahayag ni Sec. Roque.
Samantala, sinabi ni P/Lt. Roby Aurita, deputy station commander ng San Carlos City Police Station na narinig na lamang ng mga bodyguard ang biglang pag-aray ng biktima at doon na nakita na mayroon na itong tama ng bala sa dibdib.
Ayon kay Aurita, walang narinig na putok ng baril ang mga bodyguard kaya pinaniniwalaan na gumamit ng sniper at silencer ang salarin. (CHRISTIAN DALE)
