Bangka lumubog, mag-aama nalunod TRAHEDYA SA PIYESTA

LAGUNA – Nalunod ang branch manager ng isang pawnshop at ang dalawa nitong anak habang nakaligtas ang apat na iba pa nang lumubog ang sinasakyang bangka sa Laguna Lake makaraang dumalo sa piyesta noong Sabado ng hapon.

Kinilala ng hepe ng Los Baños Police na si P/Col. Jaycon Ramos ang mga nalunod na sina Renato Parabuan Gaylon, 48, branch manager ng Cebuana Lhuillier; King Richard Escala Gaylon, 20, at John Laurence Jarinio Escala Gaylon, 15-anyos.

Habang nakaligtas naman sina Mark Christian Gaylon, Ruiz Gaylon, 15; Joel Maranan, may-ari ng bangka, at asawa nitong ng si Zeny, pawang mga residente ng Brgy. Timugan, Los Baños, Laguna.

Base sa imbestigasyon ni Cpl. Laurence Lumbres, nangyari ang insidente bandang alas-4:45 ng hapon sa Talim Island, Rizal habang pauwi na ang mga biktima mula sa pagdalo sa piyesta at pabalik na sa Los Baños.

Napag-alaman, nawalan ng balanse si John Laurence habang naglalaro sa tubig kaya nahulog ito sa bangka.

Tinangkang namang sagipin ni King Richard si John Laurence ngunit nang makita ni Renato na nalulunod na ang dalawa ay tumalon din ito upang iligtas ang mga anak.

Ngunit sa kasamaang palad, hindi kinayang makaahon ng tatlo sa Laguna Lake.

Nag-panic naman ang iba pang mga pasahero ng bangka naging dahilan ng paglubog nito.

Agad nagsagawa ng rescue and retrieval operation ang Los Baños Coast Guard at Municipal Risk Reduction Management Council at nasagip ang apat sa mga pasahero ng bangka.

Ngunit araw na ng Linggo nang matagpuan ang bangkay ng tatlong mga biktima. (CYRILL QUILO)

382

Related posts

Leave a Comment