Huli sa Bureau of Customs Port of Cagayan de Oro ang isang shipment mula China na mga smuggled cigarettes na unang idineklarang personal effects tulad ng foot wares.
Ayon kay Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) – CDO Field Station Chief IO1 Oliver Valiente nakatanggap sila ng derogatory information mula sa national intelligence agencies kaugnay sa shipment sa kahilingan ni District Collector John Simon para isyuhan ng alert order.
Ang shipment ay dumating sa Mindanao Container Terminal sa Tagoloan, Misamis Oriental noong Mayo 20, 2021 at sa sunod na araw kasama ng X-Ray Field Office sa pamumuno ni Ramsey Arado, Enforcement and Security Service (ESS) CDO District sa pamumuno ni SP/Capt. Abdila Maulana Jr. at ang Philippine Coast Guard Northern Mindanao sa pangunguna naman ni Commo. Agapito Bibat sa kanilang isinagawang partial examination ay nadiskubre nila ang 30 milyong pisong halaga ng ilegal na sigarilyo na kasama ang ilang foot wares sa loob ng container.
Naka-consigned ang nasabing shipment sa isang nagngangalang Lorna Oftana mula sa General Santos City at ngayon ay isinasailalim sa imbestigasyon na paglabag sa RA 10863 o kilala bilang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Naglabas na rin ang Customs ng Warrant of Seizure and Detention laban sa naturang shipment.
Pinuri naman ni District Collector John Simon ang pagsisikap ng Bureau of Customs CDO personnel para sa kanilang pangakong border protection.
Matatandaan noong nakaraang taon ay tinatayang nasa 110 milyong pisong ilegal na yosi ang nasabat ng Port of Cagayan de Oro. (Joel O. Amongo)
