38% ang nakuha sa Pulso ng Bayan BELMONTE ANGAT PA RIN SA QC

TIWALA at mas pinapaboran pa rin ng mga residente ng Quezon City ang incumbent mayor ng lungsod na si Maria Josefina “Joy” Belmonte.

Ito ay base sa resulta ng survey ng Pulso ng Bayan na isinagawa nito lamang nakalipas na Mayo 20 hanggang 30.

Nilahukan ng 5,000 respondents ang nasabing sarbey.

Nakakuha ng 38 porsiyento si Belmonte, kaya siya ang nanguna sa laban ng mga posibleng makakatunggali niya sa susunod na halalan.

Pumangalawa sa sarbey si dating Mayor Herbert Bautista na may 13 percentage ang nakuha.

Sinundan ito ni ex-Congressman Vincent “Bingbong” Crisologo na 10 porsiyento ang nakuhang iskor.

Panghuli si Congressman Michael “Mike” Defensor na nakapagtala lamang ng 8-percentage points.

Kung magpapatuloy ang pangunguna ni Belmonte sa mga susunod pang sarbey ay posibleng manalo uli siyang alkalde para sa ikalawang termino.

Si Belmonte ay siyam na taong naging bise-alkalde noon ni Bautista.

Noong eleksyong 2019, tumakbo si Crisologo sa pagka-alkalde, ngunit pinadapa siya ni Belmonte.

Sa kasalukuyan, napabalitang may nabubuong alyansa sa pagitan ni Belmonte at Tulfo brothers habang sina Defensor at Crisologo ay nakikita ring magkasama sa ilang pagkakataon at okasyon.

Hindi pa nagpapakalat ng ‘balita’ na tatakbo uling alkalde si Crisologo, samantalang si Defensor naman ay nakapokus sa kanyang trabaho sa Kamara de Representantes.

Masigasig din siya sa pagsusulong ng kalusugan ng mamamayan habang patuloy na umaatake ang coronavirus disease-2019 (COVID-19).

Sa lungsod ng Maynila, dahil inaasahang tatakbo si Mayor Isko Moreno sa mas mataas na posisyon sa halalang 2022, posibleng magkaharap sina Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan at Congressman Manny Lopez.

Ang kaalyado ni Moreno na si Lacuna ay nakakuha ng 46 porsiyento sa sarbey, samantalang 33 porsiyento ang iskor ni Lopez.

Ikatlo at huling termino ni Lacuna ngayon, kaya inaabangan din niya ang paglahok ni Moreno sa pambansang halalan, sa halip na humirit pa ng ikalawang termino sa pagiging alkalde ng Maynila.

Kung matutuloy si Moreno sa pampanguluhang eleksyon, inaasahang magkakatunggali sina Lacuna at Lopez.

Ang “NCR Mayor: Pulso ng Bayan 2022 survey” ay independent and non-commissioned survey na isinagawa ng RP- Mission and Development Foundation Inc. (RPMDinc).

Face-to-face ang isinagawang pagtatanong sa limang libong respondents sa walong siyudad kaugnay ng kanilang napipisil na kandidato sa pagka alkalde sa halalan sa 2022.

Ang lungsod ng Quezon ang may pinakamaraming respondents na umabot sa 1,500. (NELSON S. BADILLA)

303

Related posts

Leave a Comment