Saso, Obiena pinalakas ang tsansa ng bansa sa kauna-unahang Olympic gold medal

SINO ang nagsabing naghihingalo na ang ­Philippine sports at malapit nang pumanaw?

Ilang kaganapan nitong nakaraang linggo ang nagpatunay na ang resulta ng pagsusuring ginawa ng ilang sektor ay walang katotohanan.

Sa ngayon!

Una, isang napakalaking karangalan ang naihandog ng Filipina-Japanese golfer na si Yuka Saso nang makoronahan siyang kampeon ng U.S. Women’s Open noong

Linggo (Lunes sa Maynila) sa Lake Course ng Olympic Club sa San Francisco, California.

Kauna-unahan niyang panalo ito sa LPGA Tour na nag-akyat sa kanya mula sa ranggong pang-22 ng International Golf Federation Olympic qualifiers tungo sa pang-siyam, na lalong nagpalakas sa tsansa ng tubong San Ildefonso, Bulacan na makapasok sa XXXII Games of the Olympiad na idaraos sa Tokyo simula sa susunod na buwan.

Nagpalakas din ito sa tsansa ni Yuka na makapagbigay sa bansa ng kauna-unahang gintong medalya mula sa Olimpiyada lalo’t halos pawang mga beterano ang tinalo niya sa Tour. Kaya sa opinyon ng kolumnistang ito, ibinibilang ko na ang batambatang (19-anyos) si Saso na kahanay ng boksingerong si middleweight Eumir Marcial na may kakayanang pawiin ang pagkauhaw ng bansa sa Olympic gold medal na 96 taon na nating pinapangarap.

Animnapung lalake at babaeng parbuster ang may nakalaang upuan sa golf sa Olimpiyada, kabilang ang teammate ni Saso sa 2018 Asian Games gold medal win sa team golf na si Bianca ­Pagdanganan na nasa ika-41 ranggo.

Isa pang atletang Filipino, ang pole vaulter na si Ernest John Obiena ay bumulusok din mula kung saan at napabilang sa mga paboritong makapag-uwi ng Olympic gold medal matapos niyang talunin ang defending Olympic champion na si ­Thiago Braz de Silva ng Brazil sa isang kompetisyong idinaos sa Sweden noong nakaraang linggo.

Nito lamang Lunes ay nakamit ng 25-anyos na batang Tondo ang silver medal sa kompetisyong idinaos sa the Netherlands makaraang taluning muli si Braz. ‘Di naman siya nakalusot kay world record holder Armand Duplantis ng Sweden na nag-uwi ng gold.

Bukod sa pag-akyat sa IGF Olympic ranking sa kanyang pag-uuwi ng higanteng Harton S. ­Semple trophy, malamang na makuha rin ni Saso ang ­unang puwesto sa highest earner ng season sa kanyang premyong $1 milyon.

Bago matapos ang buwang ito pa ipahahayag ng IGF ang mga lulusot sa Olimpiyada.

Ipinahayag ni Saso na ang pagwawagi niya ng kanyang unang LPGA Tour ay hindi garantiya na mapapanalunan din niya ang Olympics gold.

“First, it doesn’t mean I’ve won this, I can win a gold in the Olympics,” ani Yuka sa panayam ng mga miyembro ng Philippine media via online noong Miyerkoles. “I still have to work on it, there are a lot of tournaments coming up. I just have to get back to work and focus on the next tournament, and let’s see what’s going to happen in the Olympics.”

Ang golf ay ibinalik noong 2016 Rio de Janeiro Olympics mula noong 1908 na pinaglabanan ito sa St. Louis, USA Olympics. Nakatakdang ganapin ang golf sa Hulyo 28 hanggang Agosto 8.

Ang dalawang beses na awardee ng karangalang “Athlete of the Year” ng Philippine Sports Association ay nagsabi na ang panalo niya sa U.S. Women’s Open ay inaalay niya sa kanyang pamilya at sa Pilipinas. “I think it’s very special for me and my family.”

Si Yuka ay anak ng Hapones na si Masakazu Saso na nagturo sa kanya ng golf, at Bulakenya na nagngangalang Fritzie.

“I’m happy I won the tournament, but most importantly I’m thankful to my family. They’ve been there since the start… that made me emotional. This is just the start… also for the country I think it’s a good win. But it doesn’t stop here. I hope we can get more,” sabi pa niya.

106

Related posts

Leave a Comment