PACQUIAO, ISKO BATIKUSIN N’YO LAHAT NG KAPALPAKAN NI DUTERTE

BINABATIKOS na ngayon ni Senador Emmanuel ­”Manny” Pacquiao si Pangulong ­Rodrigo dahil balak nitong tumakbong pangulo sa halalan sa Mayo 2022.

Dati, hindi binira ni Pacquiao si Duterte dahil solido ang suporta ng mambabatas sa pangulo.

Ngayon, pinuna ni Pacquiao si Duterte dahil “nakukulangan” ang una sa aksyon ng pangulo laban sa pagpasok, paglalayag at pagtambay ng mga barko ng China sa West Philippine Sea (WPS).

Kung tutuusin, napakababaw ng pahayag ni Pacquiao kay Duterte, pero tila nabuwisit na ang boksingero sa pangulo.
Pinitik lang ni Pacquiao si Duterte.

At nagawa ito ng boksingero dahil napagtanto niya ang katotohanang hindi siya ang ­magiging pambato ng ­administrasyon, partikular ng Paritdo Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan (PDP – Laban), sa pagkapangulo sa eleksyon.

Ambisyon lang talaga ni Pacquiao na napakalinaw na pawang personal na interes ng boksingero ang dahilan kung bakit pinitik niya si Duterte.

Pokaragat na yan!

Hindi tayo ipinanganak kahapon upang hindi maintindihan ang ganitong batayan ni Pacquiao.

Kahit si Manila Mayor Isko Moreno ay nakaugnay din sa kanyang ambisyong maging pangulo ng Pilipinas mula 2022 hanggang 2028 ang tanging batayan kung bakit niya sinaltik si Davao City Mayor Sara Duterte – Carpio.

Pokaragat na ‘yan!

Ito kasing mga politikong sina Albay Rep. Joey Salceda at dating Camarines Sur Rep. Rolando Andaya Jr. ay ­ipinarating sa publiko na siguradong tatakbo si Sara D. Carpio sa pagkapresidente.

Ipinunto ni Moreno na hindi dapat ipinamamana ng ama ang pinakamataas na posisyon ng Pilipinas sa anak.

Maliban diyan, mayroong lumabas na balitang dumidistansiya na si Moreno sa pamilya Duterte.

Iyan ay dahil lang sa ambisyon ni Moreno na maging pangulo.

Muli, hindi tayo ipinanganak kahapon upang hindi maunawaan ang ganyang desisyon at aksyon ng politikong tulad ni Moreno.

Wala namang masama na punahin ang mag-amang Duterte kung nararapat silang punahin.

Ngunit, kung pupunahin nina Pacquiao at Moreno, o kahit sinong politiko, ang sinoman sa dalawang Duterte ay birahin nila ang mga kapalpakan ng mag-ama, lalo na ang matandang Duterte na siyang pangulo ng bansa.

Upakan ninyo kung ­kumbinsido kayong bigo ang administrasyong Duterte sa maraming suliranin ng Pilipinas na ipinangako niya noong 2016 na lulutasin niya.

Sabi pa ng campaign slogan ni Duterte: “Change is coming!”

Pokaragat na ‘yan!

Bigwasan nina Pacquiao at Moreno ang kabiguan ni Duterte na sugpuin ang katiwalian at korapsyon, tuldukan ang iligal na droga, tapusin ang ­kontraktuwalisasyon sa mga manggagawa, labanan ang China sa isyu ng WPS, kapus na pagmamalasakit sa mga batayang masa at napakarami pang iba.

113

Related posts

Leave a Comment