‘Done deal’ tandem ni Andaya, fake news? GIBO LAGLAG KAY DUTERTE

(NELSON S. BADILLA)

HINDI kursunada ni Pangulong Rodrigo Duterte si dating Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro na maging pambato ng administrasyon sa pagiging bise presidente ng bansa sa halalang 2022.

Muling binanggit ni Duterte si Majority Leader Martin Romualdez na siyang pambato niya sa posisyon makaraang mapabalitang interesado si Teodoro na tumakbong bise presidente ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa eleksyon sa susunod na taon.

Pumutok ang tambalang “Sara-Gibo” kung saan inihayag ni dating Camarines Sur Rep. Rolando Andaya sa kanyang Facebook account na “done deal” ang nasabing tambalan.

Nangangahulugang nagkasundo na sina Duterte-Carpio at Teodoro.

Hindi nagsalita si Duterte-Carpio ukol dito.

Hindi naman sinegunahan ni Teodoro ang pahayag ni Andaya.

Ang sabi ni Teodoro sa ilang piling mamamahayag, bukas at handa siyang maging bise presidente ni Duterte-Carpio.

Hanggang ngayon ay walang nagkukumpirma na kahit sinong politiko sa kampo nina Duterte-Carpio at Teodoro na totoong done deal na ang tambalang Sara-Gibo.

Ang bagong pahayag lang ni Andaya kamakalawa ay suportado nina Quezon City Mayor Joy Belmonte at kanyang ama na si dating Speaker Feliciano “Sonny” Belmonte Jr. ang tambalang Duterte-Carpio at Teodoro.

Ang pagkampi ni Pangulong Duterte kay Romualdez ay suportado ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Idiniin ni Arroyo kamakalawa na “kuwalipikado” si Romualdez sa posisyong bise presidente.

Ang pahayag ni Arroyo ay pinaniniwalaang taliwas sa pananaw ng kaalyadong si Andaya.

Maaari ring sabihing binalewala na ni Arroyo si Teodoro.

Si Teodoro ang kalihim ng Department of National Defense (DND) noong pangulo si Arroyo.

Si Arroyo ang nagpatakbo kay Duterte sa pagkapangulo noong halalang 2010 bilang pantapat sa pambato ng Liberal Party (LP) na si Benigno Simeon Cojuangco Aquino III.

Sina Teodoro at Aquino ay magpinsan.

Tutol ang tito ng dalawa na si Eduardo “Danding” Cojuangco Jr. sa pagtakbo ni Teodoro laban kay Aquino, ngunit masyadong matigas ang ulo ng Defense secretary ni Arroyo hanggang natalo sa eleksyon.

Nilampaso ni Aquino si Teodoro sa eleksyon dahil lamang pa sa kanya sina dating Pangulong Joseph Estrada at dating Senador Manny Villar.

Mula nang matalo sa halalan, hindi na lumahok si Teodoro sa mga sumunod na halalan (2013, 2016 at 2019).

Sa kanyang biglang pagsulpot, walang naipakitang base ng malawak na suporta si Teodoro at wala rin siyang partido.

Ang tanging bitbit niya nang humarap kay Duterte-Carpio ay kanyang sarili, asawa at si Andaya.

Ang pahayag ni Duterte ay pagbuhay sa kanyang sinabi noong Hulyo 2019 na magandang tumakbong pangalawang pangulo si Romualdez sa eleksyong 2022.

Sinundan ito ng balitang matagal nang mayroong alyansa ang Hugpong ng Pagbabago (HnP) at ang Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD).

Ang HnP ay partidong itinayo ni Duterte-Carpio bago magkaroon ng halalan noong 2019.

Si Romualdez ang pinuno ng Lakas-CMD na dating partido ni Arroyo.

238

Related posts

Leave a Comment