ROMUALDEZ BAKA “MA-JETSKI”

Samantala, hindi umano dapat kiligin si House majority leader Martin Romualdez sa pag-endorso sa kanya ni Pangulong Duterte dahil posibleng “ma-jetski joke” umano ito lalo na’t bukas ang pangulo sa pagtakbo sa vice presidency.

Ito ang payo ni House deputy minority leader Carlos Zarate kay Romualdez na sinusugan naman ni ACT party-list Rep. France Castro dahil hindi malayong ituloy ni Duterte ang pagtakbo para makaiwas sa mga kasong inuumang laban sa kanya ngayon pa lamang.

“Sana hindi ma-jetski joke si Majo (Romualdez),” ani Zarate na hindi isinasantabi na itutuloy ni Duterte ang patakbo para magkaroon ito ng panibagong 6 taong immunity sa kaso at maproteksyunan ang sarili sa International Criminal Court (ICC).

Ang Jetski Joke ay nabuong salita nang aminin ni Duterte na nagbibiro lang ito nang sabihin noong 2016 presidential campaign na sasakay ito sa jetski at pupuntahan ang mga isla ng Pilipinas na sinakop ng China sa West Philippine Sea (WPS) para taniman ng bandila ng Pilipinas.

Ayon naman kay Castro, bago inendorso ni Duterte si Romualdez ay nagsabi aniya ito na “good idea” ang pagtutulak sa kanya na tumakbo bilang vice president dahil marami pa umano itong political promises na hindi pa natutupad at natatapos.

Inihalimbawa ng pangulo ang kampanya sa ilegal na droga na nananatiling problema at ang laban nito sa katiwalian sa gobyerno na hindi pa tuluyang nareresolba.

“So ang tanong ko lang kay Presidente Duterte, gaano siya kaseryoso sa pag-eendorso niya kay Majority leader. Later, sila ba ang maglalaban sa vice presidency?,” ani Castro.

“Tingin natin dito eh panglilito. Pampaasa kay Majority (leader),” dagdag pa ni Castro. (BERNARD TAGUINOD)

 

185

Related posts

Leave a Comment