PUSPUSAN na ang ginagawang paggapang ng isa sa tatlong operators sa likod ng usong-usong online sabong kung saan malaking bahagi ng kikitain nito ay papasok umano sa pondong inilaan para sa kampanya ng isang presidentiable.
Sa pulong na ginanap sa isang mamahaling restaurant sa Solaire Resorts and Casino kamakailan, isang nagpakilalang conduit ni retired Police Intelligence Officer Michael Ray Aquino ang umamin na kabilang sa kanilang masigasig na isinusulong ay ang pagpapalaganap ng online sabong sa iba’t ibang panig ng bansa.
Aniya, nangako na ang kapitalista sa likod ng nasabing online sabong platform na susuportahan ang presidential bid ni Senador Panfilo Lacson gamit ang malaking bahagi ng kita ng kanyang lisensyadong online sabong.
Bukod kay Lacson, mababahaginan din umano ng malaking kita ang mga alkaldeng magpapasok sa kanilang operasyon. Bahagi ng kondisyones sa mga mayor ay ang pagpasa ng ordinansa hinggil sa polisiya ng kani-kanilang local government units sa nasabing aktibidad.
“Mas malaki ang kubransa, mas malaki ang parte ng mga mayor,” pagtitiyak ng nasabing conduit.
Bukod sa agawan ng balwarte, sinasamantala rin ng nasabing grupo na makakalap ng malaking halaga hangga’t wala pang malinaw na panuntunan ang pamahalaan sa pagbubuwis sa kanila.
Aniya, pakay nilang magkaroon ng mga online betting stations na katulad ng mga off-track betting stalls para naman sa mga karera ng kabayo.
Sa ngayon, aprubado na sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang House Bill 8065 na nagtatakda ng buwis sa mga lisensyadong online sabong.
Sa ilalim ng nasabing panukalang batas, magtatakda ng 5% buwis base sa gross gaming receipts at plasada o arena fee ng pamahalaan ang mga lisensyadong operator ng online sabong. Pasok din sa naturang panukala ang onsite at offsite betting. (FERNAN ANGELES)
