TUNGO sa pangmatagalang kapayapaan ay patuloy ang pagpupursige ng PNP-PRO5, katuwang ang Philippine Army Southern Luzon Command, upang hikayatin ang mga kasapi ng New People’s Army na magbalik-loob at tanggapin ang mga benepisyo at tulong ng pamahalaan para sa kanilang pagbabagong buhay.
Sa huling tala ng Bicol PNP, sa pamumuno ni Regional Director P/BGen. Jonnel C. Estomo, 17 miyembro ng NPA ang sumuko nitong nakalipas na linggo sa pinagsamang mga tauhan ng Aroroy MPS; PIU Masbate; Masbate 1st PMFC; 96MICO; 2nd Infantry Battalion PA 93RD CMO COY; 9CMO Battalion, Army 9ID; CMO Southern Luzon; RIU-PIT5-Masbate at 9th SAB, PNP SAF.
Ang pagbabalik-loob ng mga dating rebelde ay isinagawa habang nasa kasagsagan ng pagsasagawa ng Situational Awareness and Knowledge Management o SAKM sa Brgy. Balete at Brgy. Concepcion sa Aroroy, Masbate.
Ang SAKM ay isang inisyatibo ng NTF ELCAC na naglalayong magbigay ng malawakang impormasyon sa mamamayan patungkol sa baluktot na ideolohiya, makasarili at hindi makataong pagkilos ng mga NPA.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, ang mga sumuko ay pawang mga kasapi ng Platoon 3, Larangan 1, Komite ng Probinsya 4; at Militiang Bayan na nakatuon ang operasyon sa timog na bahagi ng Masbate.
Kasama sa kanilang isinuko ang isang kalibre .45 pistola, SN 1072531 Armscor; isang kalibre .45, SN 375663 Colt; isang kalibre .45, SN 958161, STI; isang kalibre .45, SN 722635 Kimber; tatlong kalibre .38 rebolber; isang KG9 submachine gun na may serial number 14357; at pitong homemade shotgun.
Sumailalim sa debriefing ang mga sumuko at ang mga ito ay mabibigyan ng tulong sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E CLIP) para sa kanilang pagbuo ng panibagong yugto ng kanilang buhay na malayo sa madugong armadong pakikibaka.
“Buong puso naming tatanggapin at pasasalamatan ang mga kapatid nating minsan nang nalihis ng landas. Ang inyong pagbabalik-loob sa ating pamahalaan ay isang patunay ng inyong hangaring matahimik at magkaroon ng mas maunlad na komunidad. Ang PNP Bicol kasama ang kasundaluhan ay titiyaking sabay-sabay nating haharapin ang panibagong bukas na mas tahimik at mapayapa. Walang imposible ‘pag tayong lahat ay nagkakaisa, sama-sama nating tuldukan ang insurhensya sa ating rehiyon,” pahayag ni Regional Director Brig. General Estomo. (JESSE KABEL)
