PINAIIMBESTIGAHAN ng isang mambabatas sa Kamara ang FoodPanda dahil mistulang may sariling batas ito sa paggawa at hindi makatao ang pagtrato sa kanilang mga rider.
Ayon kay Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite, hindi maaaring palagpasin ang hindi maayos na pagtrato ng food delivery service app na ito matapos suspindehin ang may 30 riders ng mga ito na nagpaplanong magprotesta laban sa wage policy ng nasabing kumpanya sa Davao City.
“Planning protests are worthy of suspension? Anong batas ba ang umiiral sa Foodpanda? May sarili ba silang Labor Code? May sarili ba silang Bill of Rights kung saan ipinagbabawal ang pagpaplano at paglahok sa protesta?,” tanong ng mambabatas.
Sinabi ng mambabatas na hindi makatarungan ang aksyon ng Foodpanda sa kanilang riders kaya kailangang magsagawa umano ng imbestigasyon ang Kongreso para malaman kung sumusunod sa labor code ang mga ito o hindi.
Kahit freelance lang umano ang mga rider ng Foodpanda ay empleyado pa rin nila ang mga ito dahil sila ang bumubuhay sa kumpanya.
Hindi rin aniya katanggap-tanggap na 10 taon ang suspensyon na ipinataw ng Foodpanda sa kanilang riders na taliwas sa umiiral na batas paggawa na dapat ay hindi lalagpas sa 30 araw kapag sinuspinde ang isang manggagawa.
“Napakarami na ngang obligasyon sa Labor Code ang tinatakasan nitong Foodpanda dahil sa pagtuturing sa kanilang riders bilang freelancers sa halip na empleyado, umaabuso pa sila sa pagpapataw ng parusa sa mga rider nila na wala namang nilalabag na polisiya ng kumpanya o maging batas,” ayon pa sa mambabatas.
Kinalampag din nito ang Department of Labor and Employment (DOLE) na imbestigahan ang mga hindi makatarungang patakaran ng nasabing kumpanya at iba pang kahalintulad nito.
Karapatan ng freelance workers
Samantala, mawawakasan umano ang kahalintulad na sitwasyon ng mga rider ng FoodPanda kapag kinikilala na ng batas ang mga karapatan ng freelance workers, ayon kay Senator Joel Villanueva.
Hinimok ni Villanueva, chair ng Senate labor committee, ang kanyang mga kasamahan sa Senado na suportahan ang Freelance Workers Protection Act, na inihain ng mambabatas sa plenaryo noong Setyembre ng nakalipas na taon. Marami aniyang mga nawalan ng trabaho ang sumabak sa freelancing sa kasagsagan ng pandemya upang kumita at bumuhay ng kanilang pamilya.
“Ito pong problema ng mga rider ng food delivery service apps ay isang patunay sa matinding pangangailangan natin para itaguyod ang Freelancers Protection bill. Abonado na po sila madalas, at minsan nabibiktima pa ng mga fake booking. Kaunting minutong aberya lang sa daan, katakut-takot na insulto at pambabastos ang tinatanggap nila mula sa mga nag-order. Kailangan pong may malinaw na proteksyon ang ating mga freelance workers,” ayon kay Villanueva. “Hindi po kinikilala ng Labor Code sa kasalukuyan ang mga freelance workers.”
Ayon kay Villanueva, idudulog niya muli ang isyu sa tanggapan ng Department of Labor and Employment, na unang nangakong iimbestigahan ang usapin noong nakalipas na taon sa budget deliberations nito. Nagsagawa rin ng kilos protesta ang mga foodpanda rider noong panahon na iyon sa DOLE sa katulad na usapin.
Noong Setyembre, inihain ni Villanueva sa plenaryo ang Freelance Workers Protection bill o Senate Bill No. 1810 na kumikilala sa freelance workers at nagtataguyod ng mga karapatan nila sa ilalim ng freelance arrangement. Sa Global Freelance Insights report ng Paypal, na nilabas noong 2018, tinatayang may 1.5 milyong freelance workers sa Pilipinas. (BERNARD TAGUINOD/ESTONG REYES)
