NAPAKAPALAD naman ng isang nilalang na matatagpuan sa Bureau of Immigration (BI) dahil kundi papel ang hawak nito, pera.
Akala mo tuloy kubrador sa jueteng ang taong ito na tawagin nating “Cosa”.
Pero, hindi siya kubrador ng jueteng, o anumang ilegal na sugal dahil bawal ito sa BI.
Ayon sa tao na masasabi nating kabisado ang BI, si alyas Cosa ay kolektor daw sa BI.
Pokaragat na ‘yan!
Ang kinokolekta ng nasabing Cosa ay pera mula sa ilang nagtatrabaho sa BI.
At ipinapadala raw ang kanyang nakukolekta sa kanyang ‘amo’ na opisyal sa BI.
Pokaragat na ‘yan!
May pautang ba ang amo ni alyas Cosa?
O, mayroong pahulugan ang amo ni Cosa?
Ayaw sabihin ng source kung ano ang eksaktong trabaho ng naturang Cosa sa BI.
Ito’y dahil kahit siya ay nahihiwagaan sa taong ito.
Basta, ang malinaw sa source ay “kolektor” si alyas Cosa.
Siyempre, kolektor ng pera!
Tiniyak ng source na hindi beterano si Cosa sa BI.
Ngunit, marami nang nakapapansin sa kanya dahil natumbok ang padron ng kilos ni Cosa.
Pokaragat na ‘yan!
Madalas daw makita si Cosa sa opisina ng isang opisyal pagkatapos na puntahan ang maraming opisina sa loob ng BI.
Ang inilahad ko ay siyang impormasyong ipinarating ng source sa BADILLA Ngayon makaraang mapansin niyang ilang ulit na ring naisisiwalat at nababatikos dito ang iba’t ibang katiwalian at korapsyon sa BI mula nang maupo si Jaime Morente bilang komisyoner ng ahensiya.
Si Morente ay retiradong heneral mula sa Philippine National Police (PNP) na itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte sa BI, palagay ko dahil sa sobrang tiwala ng pangulo kay Morente.
Matagal ding nagsilbi si Morente sa Davao noong aktibong pulis pa ito.
Palagay ko, tapat at masipag si Morente nang maging opisyal ng PNP sa teritoryo ni Duterte.
Kaya, kahit retirado na, pinalad si Morente dahil binigyan siya ng posisyon na kinaiinggitan ng ibang naging opisyal ng PNP.
Kaparehas din si Morente nina Royina Garma ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at Isidro Lapeña na nagtagal sa Bureau of Customs (BOC) bago naging hepe sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Sabi ng source, napansin nila si alyas Cosa sa BI ngayong panahon ni Morente.
Ngunit, hindi niya alam kung naging parte ng BI si alyas Cosa nang dahil kay Morente.
Maliban diyan, mayroon daw ‘abogado’ sa tanggapan ni Morente.
Ang problema, hindi alam ng source kung ano ang eksaktong trabaho ng sinasabing abogado sa tanggapan ni Morente.
Ang pakiramdam ng source, hindi ‘lehitimong’ empleyado ng BI ang nasabing abogado.
Marahil, ‘bisita’ ni Morente – bisita ang sabi at hindi ‘buwisita’!
Pokaragat na ‘yan!
Ang totoo, tanging si Commissioner Jaime Morente ang makapagpapaliwanag nang maayos hinggil sa katotohanan ng sinasabing abogado.
oOo
CP: 09985650271 / Viber #: 09457016911
