OFW REMITTANCES, PROTEKSYUNAN – POE

NANAWAGAN si Senadora Grace Poe sa financial institutions tulad ng mga bangko at money transfer company gayundin ng mga regulator na paigtingin ang pagbibigay proteksiyon sa mga remittance at money transfer ng overseas Filipino workers (OFW).

Batay sa Consumer Expectations Survey ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), lumabas na 96 porsiyento ng mga tahanang nakatatanggap ng mga remittance o padalang pera ay ginagastos ito sa pagkain at iba pang pangangailangan ng pamilya.

“Krusyal ang perang padala ng ating mga OFW para maitawid ang kani-kanilang pamilya at ang ating ekonomiya sa gitna ng pandemya. Ang patuloy na pagdaloy nito ay makapagpapagaan sa epekto ng pagkaunti ng foreign investment at paglabas ng salaping pambayad sa foreign debt,” saad ni Poe.

Sa datos ng BSP noong 2019, umabot sa $30.1 bilyon ang kabuuang remittance ng mga OFW.

Dahil naman sa epekto ng COVID-19 sa pandaigdigang ekonomiya, bahagyang bumaba ang remittance noong 2020 na umabot sa $29.9 bilyon.

“Mahalagang maprotektahan natin ang pera ng ating mga kababayan—hindi lamang ang padala nila mula sa ibang bansa kundi maging mga lokal na money transfer,” sabi ni Poe.

Mula nang tumama ang pandemya, marami pang mga Pilipino ang umasa sa remittance at money transfer mula sa kani-kanilang pamilya at kamag-anak para malagpasan ang kahirapan ng buhay.

Kaugnay nito, magsasagawa ng pagdinig ang Senate committee on banks, financial institutions and currencies na pinamumunuan ni Poe, kasama ang committee on labor, employment and human resources development, sa Huwebes, sa mga panukalang batas na magbibigay ng dagdag na proteksiyon sa mga remittance at money transfer ng mga OFW. (DANG SAMSON-GARCIA)

105

Related posts

Leave a Comment