HINILING ni Senador Grace Poe sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) at Department of Budget and Management (DBM) na kumilos kaagad upang mapabilis ang pagpapalabas ng pondo na pambayad sa mga pagamutan at health workers habang hinaharap ng bansa ang banta mula sa Delta variant.
“Mahigit isang taon na tayong naghihirap nang ganito, at kapwa may karanasan ang DBM at PhilHealth noong nakaraang taon na dapat nilang matutunan na mapahusay ang kanilang serbisyo sa pagsapit ng panibagong ECQ (enhanced community quarantine),” ayon kay Poe.
Marami ng institusyon ang nanawagan sa naturang ahensiya na kaagad ipalabas ang pondo na kailangan upang labanan ang pandemya.
“Habang tumataas na naman ang kaso ng COVID-19, dapat sapat ang tauhan at stock ng supplies ang ating mga pagamutan. Magagawa lamang nila ito kung sila mismo ay hindi nauubusan. Hindi natin dapat palubhain pa ang kasalukuyang mahirap na sitwasyon sa pamamagitan ng demoralisasyon sa ating medical frontliners,” giit ni Poe.
Ilang medical workers mula sa pribado at pampublikong pagamutan ang nagsabi noong Hulyo 25 na hirap na hirap silang maramdaman ang bilyong pisong inilaan sa frontliners sa ilalim ng Bayanihan 1 at 2. Isa dito, sa kabila ng malaking badyet, sinabi nila na hindi pa nila natatanggap ang special risk allowance.
Sa pagitan ngayon at sa pagsisimula ng panibagong ECQ sa Agosto 6, pinananawagan sa gobyerno na gamitin ang nalalabing panahon upang bigyan ng mamamayan ng kanilang pangangailangan sa susunod na dalawang linggo upang hindi na sila lumabas pa ng kanilang tahanan at suungin ang panganib na mahawa ng sakit o pauwiin ng pulis.
“Hindi magpupumilit ang taumbayan na lumabas kung may sapat na pagkain sa kanilang hapag-kainan. Hindi na sila lalabas pa kung natugunan ang kanilang pangangailangan,” ayon kay Poe.
Kada linggo ng ECQ, aabot sa P105 bilyon ang nalulugi ang ating ekonomiya sa produksyon, base sa pagtataya ng National Economic and Development Authority kamakailan.
Aabot sa mahigit 167,000 manggagawa sa Metro Manila naman ang mawawalan ng trabaho at sahod sa loob ng dalawang linggong lockdown, ayon sa data ng Department of Labor and Employment. (ESTONG REYES)
