PH sa 1932 L.A. Olympics PAGOD, GINAW AT GUTOM TINIIS NI SIMEON TORIBIO

2020 TOKYO OLYMPICS

TATLONG medalyang tanso ang napanalunan ng Pilipinas noong 1932 Los Angeles Olympics, na tinanghal na pinaka-matagumpay na partisipasyon ng bansa sa Olimpiyada sa nakalipas na halos 90 dekada.

Ang swimmer na si Teofilo Yldefonso at boksingerong si Jose “Cely” Villanueva, tulad ni Simeon Toribio ay nakakuha rin ng bronze medal sa L.A.

Ikalawang bronze na ito ni Yldefonso, na unang nagkame-dalya noong 1928 sa Amsterdam.

Sa L.A. pa rin ay pumang-apat si Martin Gison sa shooting, at panlima si Jikirum Adjuladdin sa swimming.

Makaraan ang 89 taon, nahigitan ng 19 na atletang Pinoy na kasalukuyang nakikipagtagisan ng lakas at talino sa XXXII Olimpiyada sa Tokyo, ang tagumpay ng bansa noong 1932 Games.

Kahapon ay nakaipon na ang Pilipinas ng isang medalyang ginto at pilak mula kina weightlifter Hidilyn Diaz at boksingerang si Nesthy Petecio, ayon sa pagkakasunod. May tiyak na ring dalawang tanso mula sa mga boksingerong sina Eumir Marcial at Carlo Paalam, para sa total na apat na medalya.

Samantala, ma-drama at sadyang mahirap ang naging karanasan ni Toribio noong 1932 para mahandugan ang bansa ng bronze sa final event ng high jump na nagsimula ng 2:30 ng hapon at natapos ng 6:30 na ng gabi.

Ang may kataasang si ­Simeon, ang naghaharing ­kampeon noon sa Asya, ay dumating sa Tokyo Olympic Stadium noong mismong araw ng game (Hulyo 23, 1932) na nakasuot ng asul na jogging suit at nakangiting bumati sa 19 na iba pang katunggali sa medal round.

Kasama ni Toribio sa finals ang mga pinakamagagaling sa event na sina Spitz, Van Osdel at Johnson ng Estados Unidos,  McNaughton ng Canada, Reinikka ng Finland, Ono at Kimura ng Japan na pawang paboritong magwawagi ng medalya.

Iba’t iba ang istilo ng pagtalon ng mga kalahok na nakadagdag sa interes ng mga manonood. Si Toribio, pang-apat sa Amsterdam, ay paborito ang standing scissors kick. Si Osdel ay eksperto sa kanyang standing western style at si Spitz ay gamit ang eastern roll.

Nagsimula ang kompetisyon sa taas na 5-feet, 3 inches. Itinaas ito sa 5′ 11″, 6′ 1″ at 6″3″ hanggang pito na lamang sa 20 finalists ang naiwan. Nang itaas ang bar sa 6’4″, natanggal ang tatlo – Reinikka at dalawang Hapones. Itinaas pa ito sa 6’6″ ngunit natalon pa rin nina McNaugton, Van Osdel, Johnson at Toribio, na pawang nabigo na sa 6’7″.

Naiwan ang apat na pagod na pagod, giniginaw at gutom na. Mas malaking pagsubok naman ito para kay Toribio na tiniis ang ‘tawag ng pangangailangan’, dahil ibinabawal ang paglisan sa game sa kahit ano pa mang kadahilanan.

Nang ibalik ang bar sa taas na 6’6″, hindi na natiis ng Pilipino na sagutin ang tawag ng pangangailangan kaya’t hindi na niya nagawang talunin ito.

Nagpatuloy ang duwelo para sa medalyang ginto sa pagitan nina McNaugton, Johnson  at Van Osdel. Samantala, para makaraos na si Toribio ay pinahiram siya ng blanket ng isang Japanese coach na naging kaibigan niya.

Tinalo ni McNaughton si Van Osdel sa gintong medalya, habang wagi si Toribio sa jump-off nila ni Johnson para sa bronze medal.

Naging basehan naman ang eksperiyensya ni Toribio para  palitan  ng IAAF ang ilang regulasyon nito. Kaya ang elimination at semifinal round ay ginaganap na sa umaga at ang finals ay sinisimulan ng maaga-aga para hindi abutin ng gabi.

157

Related posts

Leave a Comment