HATI ang isip ni Manny Pacquiao kung boksing o pulitika ang pipiliin niya.
Matapos mabigong mabawi ang pandaigdig na kampeonato sa welterweight mula sa Cubanong si Yordenis Ugas kulang isang buwan na ang nakalilipas, sari-saring reaksiyon ang naglabasan. Marami ang nagsabing panahon na para sa 42-anyos na eight-division champ na isabit ang kanyang boxing gloves makaraan ang 27 taong karera bilang prizefighter.
Alam naman ng halos lahat na kaya patuloy na nakikipagbanggaan ng katawan at nakikipagbasagan ng mukha sa ibabaw ng ring si Manny ay dahil sa gusto niyang mapaligaya ang fans, lalo ang mga kababayan niya. Na para sa mga nagmamahal at naniniwala sa kanya ay nagagawa naman niya, at magagawa pa sa pamamagitan ng pagiging government servant.
Pero dahil marahil sa marumi at magulong sitwasyon ng pulitika sa bansa, tanging boksing na lamang ang nalalabing opsyon
ni Manny?
Matatandaang bago siya umalis ng bansa patungong Los Angeles, California para sa kanyang nakatakdang laban, inalis siya ng ilang mga kapartido sa PDP-Laban bilang pangulo. At sa kainitan ng pag-eensayo sa Wild Card Gym ni training consultant Freddie Roach, tinangka naman siyang tanggalin bilang miyembro ng partido.
Ilang araw lamang ang nakararaan ay napaulat na malaki ang tsansang muling lumaban sa ibabaw ng ring si Manny bago matapos ang taon.
Saktong Disyembre 17 ay magdiriwang siya ng ika-43 taong kapanganakan. Kaya sa palagay ng marami ay ‘di pa siya tapos sa sport na naging buhay niya simula noong 1995.
Sa online interview ng isang malapit na tauhan ni Pacquiao, sinabi nito na ang kanyang boss ay magpapatuloy sa boxing career, “perhaps with hopes of ending such on a high note.”
Walang nabanggit kung sino ang susunod na makakaharap ni Manny, bagama’t nangako si Ugas na bibigyan siya ng rematch.
Tiniyak naman ni Manny sa isang panayam na hindi pa nawawala ang kanyang pagnanasang lumaban pa sa kabila ng kanyang pagkatalo kay Ugas.
Noong Miyerkoles ay lumabas na ang Pambansang Kamao sa kanyang mandatory 10-day quarantine sa Conrad Hotel-Manila sa Pasay at inaasahang kakausapin ang kanyang team, kabiyak na si Jinkee, mga anak, kapatid, inang si Aleng Dionesia at iba pang malalapit sa kanya hinggil sa susunod niyang hakbang.
