PUV DRIVERS TABLADO SA AYUDA SA 2022

WALANG maaasahang ayuda ang mga public utility vehicle (PUV) driver sa 2022 matapos umanong tablahin ng Department of Budget and Management (DBM) ang P10 billion na hiningi ng Department of Transportation (DOTr).

Sa pagdinig ng House appropriations committee sa P151.3 billion pondo ng DOTr kahapon, inamin ni Undersecretary Giovanni Lopez na walang pondo para sa Service Contracting Program (SCP) sa susunod na taon.

“May nasamang service contracting sa isinumite nating proposal sa DBM. Kung hindi po ako nagkakamali, we requested for P10 billion.

Unfortunately, hindi po naisama [ng DBM] sa NEP (National Expenditure Program),” ani Lopez.

Ginawa ng opisyal ang nasabing pahayag matapos uriratin ni House committee on transportation chairman Rep. Edgar Mary Sarmiento kung ano ang plano ng ahensya sa mga PUV na naapektuhan at patuloy na naaapektuhan ng pandemya.

Sa 2021 national budget, may P3 billion ang DOTr para sa SCP na karagdagan sa P5 billion na ibinigay sa ahensya para sa nasabing programa sa ilalim ng Bayanihan 2.

Layon ng nasabing programa na tulungan ang mga PUV na nawalan ng hanapbuhay mula nang magpatupad ng iba’t ibang klase ng community quarantine dahil sa COVID-19 pandemic.

Kamakailan ay binatikos ang DOTr at LTFRB matapos iulat ng Commission on Audit (COA) na 1% lamang sa P5.58B na ibinigay sa mga ito sa ilalim ng Bayanihan 2 para sa nasabing programa ang nagamit ng ahensya.

Nangangahulugan na sa nasabing halaga, P59 million lamang ang naipamigay na ayuda sa mga tsuper gayung marami sa mga ito ay namamalimos na sa lansangan para maitawid ang kanilang araw-araw na pangangailangan matapos silang pagbawalan na mamasada. (BERNARD TAGUINOD)

142

Related posts

Leave a Comment