WALANG FIESTA

WALANG magaganap na ‘fiesta” sa paghahain ng mga pulitikong tatakbo sa 2022 national at local election ng kanilang certificate of candidacy (COC) simula Oktubre 1 hanggang 8.

Bago sumabog ang coronavirus disease 2019 sa Wuhan, China na hinayaang kumalat sa apat na sulok ng mundo na ­pinagdudusahan ngayon ng sangkatauhan, mala-fiesta ang paghahain ng mga pulitiko ng COC.

Kanya-kanyang drama ang mga pulitiko at kanilang supporters. May nagbibitbit ng banda para salubungin ang kanilang mga kandidato na maghahain ng kanyang COC sa Commission on Election (Comelec).

Noong 2019 nga, may senatorial candidate ang nagpapanggap na ordinaryong tao at sumakay lang ng kanyang motorsiklo patungong Comelec office sa Intramuros, Manila.

Pero kalahati ng mga tao sa harap ng Comelec ay mga bitbit na ­supporters niya at saka lang sila nag-alisan matapos siyang makapaghain ng kanyang COC at pinalitan naman ng mga supporter ng ibang kandidato.

Sa mga probinsya, ang drama naman ng mga local candidate ay mala-prusisyon dahil naghahakot siya ng mga tao para samahan siya sa paghahain ng COC papuntang local Comelec office.

Sisimulan ang parada sa dulo ng bayan at ­sasalubungin siya ng mga tao na kunwari ay mga supporter niya pero ‘yun ay mga hakot at baka may allowance kaya hindi muna pupunta sa bukid at magtatrabaho para kunwaring sumusuporta sila sa kandidatura ni mayor, vice mayor at mga konsehal.

Masaya ang paligid kapag oras ng paghahain ng COC dahil pagkatapos maihain ng mga pulitiko ang kanilang COC ay magsalo-salo sila sa isang piging na nangyayari lang tuwing ikatlong taon.

Aminin na natin, ma­saya rin ang mga tao dahil kahit papaano ay meron silang matatanggap na allowance na kapalit ng pagsasakripisyo ng kanilang isang araw na trabaho.

Pero ang mga ‘yan ay hindi na mangyayari ngayong Oktubre dahil sa COVID-19 na patuloy na nagbabanta sa kalusugan ng sino mang tao, mayaman man o mahirap, may pinag-aralan man o wala, makapangyarihan man o ordinaryong tao.

Bawal ang mass gathering kaya hindi ­puwedeng samahan ng mga supporters ang kanilang mga kandidato sa ­Comelec office kaya ‘yung dating eksena na mala-fiesta ay hindi muna natin maki­kita.

Pagdating ng kampanya sa Pebrero 2022, wala rin tayong makikitang mala-fiesta na kampanya dahil bawal ang mga political rally na alam naman natin na ginagastusan ng mga kandidato at partido para kunwari ay maraming sumusuporta sa kanila.

Mala-fiesta rin ang mga political rally dahil nagbibitbit ang mga pulitiko ng mga artista na kakanta o sasayaw sa entablado na sasabayan naman ng kandidatong ikinakampanya at pinapalakpakan kahit wala sa tono ang pagkanta at parehong kaliwa ang paa kapag nagsayaw.

‘Yung mga rumaraket sa kampanya tulad nung mga naghahakot ng mga tao para dalhin sa venue ng political rally ng mga ­kandidato ay tiyak na mawawalan na rin ng kita.

Pero ang maganda nito, mababawasan ang gastos ng mga pulitiko hindi tulad noong hindi pa ‘pinakawalan ng China” ang ­COVID-19 na bukod sa political ads, malaki ang gastos nila sa pag-ikot sa apat na sulok ng bansa para roon mangampanya.

289

Related posts

Leave a Comment