TATALAKAYIN ng Senate committee on basic education, arts and culture ang ginagawang paghahanda ng pamahalaan kaugnay sa pagsasagawa ng pilot test ng limited face-to-face classes.
Ito ang pahayag ni Senador Win Gatchalian kasunod ng paglagda ng Department of Education (DepEd) at Department of Health (DOH) sa joint circular ng limited face-to-face classes. Balak ng dalawang ahensya na mamili ng isang daan at dalawampung mga paaralang lalahok sa naturang dry run. Isang daang pampublikong paaralan ang lalahok samantalang dalawampu naman ang mula sa pribado. Ang isasagawang dry run ay mahigpit na tututukan at susuriin sa loob ng dalawang buwan.
Bagama’t suportado ni Gatchalian ang pagpapatupad ng pilot test para sa face-to-face classes, aniya’y dapat tiyakin ng pamahalaan sa publiko na ginagawa ang lahat ng hakbang para sa kaligtasan ng mga mag-aaral, mga guro, at iba pang mga kawani. Dapat din aniyang suriin ang planong pagpapabakuna sa mga menor de edad sa Oktubre kaugnay ng unti-unting pagbubukas ng mga paaralan.
“Ang unti-unti nating pagbabalik sa face-to-face classes ay isang mahalagang hakbang upang makabalik sa normal ang ating sektor ng edukasyon. Ngunit ang pinakamahalagang dapat nating matiyak ay kung paano mapapanatiling ligtas ang ating mga guro at mag-aaral kapag nagsimula na ang pilot testing,” ani Gatchalian.
“Nais nating gawing maliwanag ang lahat ng hakbang na ginagawa ng ating pamahalaan, kabilang ang pagpapabakuna ng mga guro at mga kabataan, lalo na’t magsisimula na ang pagbabakuna ng general population sa Oktubre,” dagdag pa ng senador.
Ang mga paaralang lalahok sa limited face-to-face classes ay dapat matatagpuan sa mga minimal-risk areas batay sa pamantayang inilatag ng DOH. Dapat din silang makapasa sa safety assessment na isasagawa ng DepEd, DOH, Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases, at iba pang mga organisasyong nakatutok sa kalusugan ng mga kabataan.
Dapat ding pahintulutan ng mga lokal na pamahalaan ang pakikilahok ng mga paaralan sa binabalak na dry run. Ito ay maaaring ipahayag sa pamamagitan ng isang liham o resolusyon. Dapat ding hayagang ipahawatig ng mga magulang ang pagsuporta nila sa pakikilahok ng mga paaralan sa pilot test.
Sa ilalim ng joint guidelines, labindalawang mga mag-aaral ang pinakamaraming papayagan sa Kindergarten, labing-anim sa Grade 1 hanggang Grade 3, dalawampung mag-aaral sa Grade 4 hanggang Grade 12, at labindalawa naman sa technical-vocational livelihood (TVL) workshop at science laboratory. (ESTONG REYES)
124
