WALA pang ginagawang pagbawi ang transport group na Pasang Masda sa petisyong dagdag-pasaheng inihain sa hangaring maibsan ang epektado ng lingguhang taas-presyo sa krudo.
Paglilinaw ni Pasang Masda president Obet Martin, babawiin lamang nila ang inihaing petisyon para sa P3 dagdag-pasahe sa mga pampasaherong dyip kung pahihintulutan ng pamahalaang ibalik sa full capacity ang kanilang operasyon, kasabay ng cash subsidies na ipinangako ng Department of Transportation (DOTr) sa isang pulong sa Kamara nitong nakaraang linggo.
“Nire-request na naming gawing 100% ang aming capacity para naman po kumita ang mga jeepney drivers, at ipinapangako ko po na we will recall our petition for fare increase pag ito po ay naibigay na sa amin,” ani Martin sa isang panayam.
Tiniyak naman ni Martin na kanilang susundin ang “safety protocols,” kabilang ang paglalagay ng plastic barriers, pagsusuot ng face masks at face shields ng mga pasahero, maging ang kaunting physical distancing.
“Sapagkat kung makikita po natin nung first day nang mag-level 3 po tayo, ‘yung dolomite diyan sa Roxas Boulevard ay libong tao po walang social distancing. Makikita natin sa mga mall sa ibang mga grupo diyan sa Quezon City, na may mga business establishments na halos ang tao po ay dikit-dikit na rin po,” dagdag pa ni Martin.
Giit pa niya, dapat umanong ipangalan mismo sa mga tsuper ang anomang subsidiyang ilalaan ng gobyerno. Aniya tanging mga operators lamang ang nakinabang sa subsidiyang pinadaan sa “pasada cards” –at hindi sa mga tsuper.
“Ito rin po ang hinihiling kong ilaman sa pasada card na ito at ipangalan na po sa driver. Hindi po naibigay sa mga driver ang pasada card na iyan, silang mga operators po ang kumuha at nakinabang niyan,” pagtatapos pa ni Martin. (LILY REYES)
