Siksikan sa sementeryo babantayan GIMIK SA HALLOWEEN PAMPAMILYA LANG

HANGGA’T maaari, panatilihing pampamilya ang mga Halloween party at trick or treat ng mga bata ngayong nananatiling may pandemya.

Paalala ito ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ngayong sasapit na Todos Los Santos.

Ayon kay PNP Chief, Police General Guillermo Lorenzo T Eleazar, kung maari ay gawing eksklusibo sa pamilya ang mga party ngayong holiday season upang makaiwas sa pagkalat ng coronavirus disease.

Magugunitang inabisuhan ng Department of Health ang bawat pamilya na mahigpit na sundin ang health protocols kung may balak silang magdaos ng Halloween parties at trick or treat na tradisyunal bago ang Undas. Dapat iwasan ang mga bisita na hindi kapamilya dahil mapanganib ito sa hawaan ng COVID-19.

“Batid ng inyong Philippine National Police ang mga nakaugaliang tradisyon tuwing nalalapit ang Undas gaya ng mga Halloween party at trick or treat para sa mga bata at maaring magkalakas ng loob ang ilan sa atin dahil sa patuloy na pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 sa ating bansa,” wika ni PGen Eleazar.

“Kaya pinapayuhan natin ang ating mga kababayan na ipagpaliban muna ito o kaya naman ay gawing limitado sa inyong mga sariling tahanan dahil baka sa halip na trick or treat ay mauwi ito sa trip and treatment sa ospital kapag nahawa ang mga bata lalo pa at wala pa silang bakuna,” dagdag pa niya.

Kasunod nito, binalaan ni PGen Eleazar ang mga establisimyento na sundin ang mga patakaran o sila ay maipasara.

Inihalimbawa ng heneral ang sinalakay na bar ng mga lokal na opisyal sa Makati City dahil sa impormasyon na binabalewala ang mga health protocol at curfew hours kung saan, hindi rin nasunod ng bar ang itinakdang kapasidad at lumabas na wala rin itong permit.

Humigit kumulang 200 ang nabigyan ng ticket dahil sa kanilang paglabag ngayong nasa ilalim pa rin ng Alert Level 3 ang Metro Manila hanggang Oktubre 31.

Samantala, may apela ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa publiko, na huwag magsiksikan sa mga sementeryo sa pagbisita sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay ngayong panahon ng Undas.

Ayon kay DILG Undersecretary Epimaco Densing III, mas mainam na bisitahin na lamang nila ang kanilang mga mahal sa buhay, isang linggo bago o matapos ang Undas.

Aniya, mas madaling tupdin ang pinaiiral na minimum public health standards kung mas maagang bibisita sa mga puntod, bagay na aniya’y bentahe para makaiwas sa hawaan ng COVID-19 sa mga sementeryo.

Dagdag pa ng opisyal, lahat ng mga sementeryo sa bansa ay nakatakdang isara sa publiko pagsapit ng Oktubre 29 at tatagal hanggang Nobyembre 2 bilang bahagi ng contingency plan ng pamahalaan sa hangaring tuluyan nang masugpo ang COVID-19 transmission.

Sakop umano ng kautusan ang lahat ng mga pampubliko at pribadong sementeryo sa bansa, gayundin ang mga kolumbaryo, at memorial parks.

Paalala pa ni Densing sa publiko, ibayong ingat sa loob ng sementeryong kabilang sa mga pasilidad na may takdang 30% maximum venue capacity, batay na rin sa resolusyong ipinalabas ng Inter-Agency Task Force. (VERLIN RUIZ/LILY REYES)

203

Related posts

Leave a Comment