PINASISILIP ng Makabayan bloc sa mababang kapulungan ng Kongreso kung mayroong papel ang China sa Udenna Corporation na pag-aari ni Dennis Uy kung saan ibinigay ng Department of Energy (DOE) ang share ng Chevron sa Malampaya natural gas projects.
Ginawa ito ng Makabayan bloc kasabay ng panawagan sa Senado na huwag tantanan ang nasabing isyu lalo na’t itinatago ng DOE ang kontratang pinasok nito sa Udenna kahit wala umanong kakayahan ang nasabing kumpanya sa lahat ng aspeto.
“We must also scrutinize whether China has interlocking interests with Udenna which could make this a national security concern,” ayon sa Makabayan bloc.
Si Uy ang local partner ng China Telecom sa Dito Telecommunity na binigyan ng prangkisa ng administrasyon para maging third player sa Telecom industry sa bansa.
Nais makatiyak ng Makabayan bloc na hindi malalagay sa panganib ang seguridad ng bansa lalo na’t may iringan ang Pilipinas at China sa West Philippine Sea (WPS).
Hinamon din ng nasabing grupo si DOE Secretary Alfonso Cusi na ilabas ang Malampaya contract kung wala itong itinatagong anomalya sa pagbibigay ng kontrata kay Uy.
“The DOE must allow the public access to all documents related to the Malampaya deal, including the concession agreement so that we can scrutinize the accountability of all officials involved,” ayon sa Makabayan bloc.
Karapatan aniya ng mga Pilipino na makita ang kontrata dahil dito malalaman kung dehado o hindi ang gobyerno.
Dito rin malalaman kung financially qualified ang Udenna bagaman, base sa mga unang impormasyon, wala umanong kakayahan ang kumpanyang pag-aari ng sinasabing crony ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“The DOE’s rush approval of the Udenna takeover of the Malampaya consortium opens up its officials to graft cases for approving an agreement disadvantageous to the government and the Filipino people,” dagdag pa ng grupo kung mapatutunayan na hindi nakamit ng nasabing kumpanya ang financial obligation nito. (BERNARD TAGUINOD)
