BALITANG NBA Ni VT ROMANO
DALAWANG beses nagharap sa NBA Finals noong late 80s ang Los Angeles Lakers at Detroit Pistons.
Nitong Linggo ng gabi (Lunes sa Manila), nanariwa ang rivalry sa pagitan ng dalawang koponan nang muntikan nang magrambulan sa laro.
Lamang ang Pistons, 78-66, sa unang minuto ng third quarter habang nasa free throw line si Jeremi Grant ay nagbabalyahan naman para sa rebound position sina LeBron James ng Lakers at Detroit’s Isaiah Stewart. Binigwasan ni James si Stewart, ayon sa mga saksi, intentional ang ginawa ng Lakers superstar dahil ‘closed fist’ siya nang sikuhin sa mukha ang Detroit player.
Duguang sinugod ni Stewart si James at doon na nagsimula ang hindi matapus-tapos na pag-awat sa magkabilang panig, at maging si Russell Westbrook ng Lakers ay nakitang pasugod din.
Sinipa sa laro si James, pangalawang pagkakataon sa kanyang career, gayundin si Stewart. Habang tinawagan ng technical si Westbrook.
Nang mapayapa na ang sitwasyon, ipinagpatuloy ang laro. Papasok sa fourth period ay abante pa ang Detroit, 99-84, ngunit nagsanib-puwersa sina
Anthony Davis at Westbrook tungo sa 121-116 win ng Lakers.
Umiskor si David ng 30 points, 10 rebounds at dalawang malaking blocked shots kay Pistons’ 20-year old rookie Cade Cunningham. May kontribusyon si Westrbook na 26 points, 10 assists at nine rebounds.
May tsansa sanang maitabla ng Detroit ang iskor sa huling 5.9 seconds, ngunit na-turn over si Hamidou Diallo, at humirit si Davis ng dalawang free throws para selyuhan ang ika-siyam na panalo ng Lakers.
Si James ay may 10 points bago nasipa sa laro.
Muling magkikita ang dalawang koponan sa Nobyembre 28 sa teritoryo naman ng Lakers.
Habang isinusulat ito, wala pang desisyon ang NBA hinggil sa parusang ipapataw sa mga sangkot sa gulo.
‘WORST BRAWL’
SA MICHIGAN
SA mainitang laro ng Lakers at Pistons, paulit-ulit ang panawagan ng PA announcer na manatili sa stands ang fans.
Sa Detroit din naganap ang maituturing na ‘worst brawl’ sa kasaysayan ng NBA noong 2004, sa laban ng Indiana Pacers at Pistons.
Eksaktong 15 taon nang maganap ang insidente. Matatalo na ang Pistons sa Pacers noon, 97-82, at magle-layup si Ben Wallace ng Pistons nang i-foul ni Ron Artest (Metta World Peace).
Kasunod nito, itinulak ni Wallace si Artest, pero balewala lang. Nang isang fan ang maghagis ng plastic cup kay Artest, na agad sinugod ang fan sa stand.
Dito na nagsimula ang gulo nang nakisali rin ang players, spectators at fans. Nagtagal ng ilang minuto ang gulo bago nakontrol ng security.
Matapos ito ay sinuspinde ng NBA ang siyam na manlalaro sa kabuuang 146 games. Limang player ang inasunto ng assault at nasentensyahan ng ‘year of probation and community service.’
Si Artest ay sinuspinde sa nalalabing season dahil sa pagsugod sa stands at multang umabot sa $5 million. Habang si Wallace ay suspendido ng anim na laro sa pagpapasimula ng gulo at multang $400,000.
Ang nangyari noong Linggo ay malayo sa naganap noong 2004, bagama’t tinangka ni Stewart na makawala sa mga umaawat at umaalalay sa kanya nang pumasok ito sa tunnel ng arena.
WALTON SINIPA
NG KINGS
UMAASA ang Sacramento Kings na magbabago ang ihip ng hangin sa kampanya ng koponan simula sa pakikipagtipan nito sa Philadelphia 76ers sa Lunes ng gabi (Martes sa Manila).
Ito’y matapos sipain ng Kings si Luke Walton bilang head coach, 24 oras makalipas ang magkasunod na lopsided losses kontra Toronto Raptors at Utah Jazz.
Itinalaga si longtime NBA coach Alvin Gentry bilang interim coach, na nakatuon sa positibong mangyayari sa team kasunod ng pitong talo sa walong laro, para malaglag sa ilalim ng Western Conference standings.
“We addressed the team,” pahayag ni Kings general manager Monte McNair sa formal announcement ng pagtanggal kay Walton. “The guys remain confident. We all know that we need to get out of this 1-7 stint.”
Ang Kings ay tinalo sa home, 108-89, ng Raptors noong Biyernes ng gabi, at sinundan ito ng 123-105 loss sa Jazz kinabukasan.
May natitira pang dalawang laro sa four-game homestand ang Kings, at kasunod nito ang 14 sa 21 games at home.
Pinakamalaking problema ng Sacramento ang depensa, kung saan nasa ilalim din sila sa rankings dahil sa (111.1) points allowed matapos ang pitong sunod na laro, na 15 of 17 overall sa season.
Ang 76ers ay hikahos din dahil sa pagliban ni star player Joel Embiid sa huling pitong laro sanhi ng COVID-related reasons. Wala pa ring balita kung kailan sasalang o kung lalaro pa ba sa team si Ben Simmons.
Inaasahang hindi na lalaro si Embiid sa nalalabing six-game trip ng Sixers, matatapos sa Miyerkoles sa Golden State. Ang team ay 1-6 sa pagliban ni Embiid at tatlong talo sa apat na salang on the road.
Samantala, sa iba pang resulta ng mga laro, nagtala ang Golden State Warriors ng 119-104 win kontra Toronto Raptors.
Tinalo naman ng Phoenix Suns ang Denver Nuggets, 126-97, at wagi ang Chicago Bulls laban sa New York Knicks, 109-103.
167