NANAWAGAN ang mga pamilya ng biktima ng Ampatuan Massacre sa mga kandidato na patuloy na gumagamit sa kanilang kaso sa kampanya na tupdin ang ipinapangako sa kanila.
Sa PPI roundtable discussion kaugnay sa paggunita sa ika-12 anibersaryo ng Ampatuan Massacre, sinabi ni Mary Grace Morales na parati na lamang nagagamit sa eleksyon ang kanilang kaso.
Si Morales ay asawa ni Roselle at kapatid ni Marites Cablitas na kapwa namatay sa masaker.
“Parati na lamang nagagamit sa eleksyon (ang kaso). Mangilabot naman kayo kung hindi ninyo rin lang tutuparin ang inyong mga pangako. Hindi kayo sa amin nangangako kundi sa mga namatay,” diin ni Morales.
Marami na anyang politiko ang nangako na itutuloy ang kanilang pakikipaglaban sa hustisya sa panahon ng kampanya subalit sa sandaling manalo ay nakakalimutan na ang kanilang grupo.
Apektado sa kaso
AMINADO ang panel of prosecutors na humawak sa Maguindanao Massacre na personal rin silang apektado sa kaso.
Ayon kay Senior Assistant State Prosecutors Olivia Torrevillas, ito ang ‘hardest case’ na kanyang nahawakan.
“I remember, there were days na kahit Saturdays and Sundays nagtatrabaho kami. Uuwi kami ng bahay ni hindi kami nakakalinis dahil ang hearings 3x a week,” pahayag ni Torrevillas.
“Ipe-prepare mo ang witness, makikita namin ang mga ebidensya. How can you be not affected? Ang family makikita namin, iniiyakan kami paanong di ka maapektuhan,” dagdag nito.
May pagkakataon pa anyang iniuwi niya ang testigo at nag-iyakan sila.
“Ganun po kapersonal sa akin. We have given the opportunity to serve. We deliver it to the best of our ability. Ang buong panel sobra ang binigay naming commitment dito sa kasong ito. We did our best po to deliver justice na pati po personal naming buhay,” diin pa ng prosecutor.
Sa 12 taon, iginiit ng mga pamilya na patuloy ang kanilang pakikibaka upang makamit ang buong hustisya at aminado silang hanggang ngayon ay pinipilit na lamang kayanin ang buhay.
Matatandaang November 23, 2009 nang maganap ang pinakamadugong insidente ng pagpatay sa mga mamamahayag kung saan 32 sa 58 napaslang ay mga miyembro ng media habang ang isa pang biktima na si Reynaldo Momay ay hindi pa rin natatagpuan. (DANG SAMSON-GARCIA)
255
