TRESPASSING SA 3 SEKYU NA PUMASOK SA BAHAY NA MAY BAKOD

TAKOT na takot ang isang ginang matapos pasukin ang bahay na kanilang tinitirahan na nakabakod, ng tatlong kalalakihan na pawang mga armado ng baril noong nakaraang Lunes, Nobyembre 22, 2021.

Ang tinutukoy po natin ay ang bahay ni Arlene Espenera ng Upper Bangkal, Brgy. Isidro, Rodriguez, Rizal.

Ipinarating sa PUNA ang kanilang reklamo kaugnay sa ginawa ng tatlong guwardiya ng Silver Griffin Security na may tanggapan sa No. 17 A. Martin St., Brgy. Tugatog, Malabon City na pumasok sa likurang bahagi ng bahay ni Ginang Espenera sa nabanggit na address.

Sinikap ng PUNA na malaman ang detalye ng pangyayari kaya tinungo natin ang tanggapan ng pulisya sa Rodriguez, Rizal na agad namang nagresponde sa lugar.

Base sa pahayag ni Ginang Espenera, sa mga pulis at media, nagkataon ng panahon na ‘yun ay nasa Bulacan sila ng kanyang mister, takot na takot daw ang kanyang tiyahin kaya ipinatawag sa kanya ang kanilang kaibigan para sabihin ang ginawang pagpasok ng tatlong kalalakihang armado.

Ayon kay Misis Espenera, sa gilid na bahagi ng kanilang bahay na kung saan ay masukal, dun pumasok ang tatlong kalalakihan kaya nagdulot ito ng takot sa kanyang tita.

Nang makapasok na raw ang tatlong kalalakihan na pawang armado ay sinabing magbabantay sila sa tinitirikan ng kanilang bahay na nakabakod para mabantay­an at hindi makapasok ang ibang mga magtitirik ng bahay o squatter.

Inamin ng tatlong kalalakihan na ipinadala sila ng isang nagngangalang Allan Cruz na umano’y nagpakilalang may-ari ng lupa na kinatitirikan ng bahay ni Ginang Espenera.

Sa panayam ng PUNA kay Ginang Espenera, ma­tagal na nilang nabili ang lote na may lawak na 9,646 square meter sa isa nilang kaibigan na nangailangan ng pera.

Kaya agad nila itong pinabakuran at tinayuan ng bahay na kung saan ay namili sila ng scrap, ilang taon na ang nakalipas.

Nabigla na lamang sila nitong nakaraang Lunes ay biglang pinasok ang kanilang bahay na may bakod, ng mga tauhan ng Silver Griffin Security nang walang pahintulot sa kanila.

Tsk! Tsk! Tsk! Trespassing ginawa n’yo mga boy.

Para maging patas ang ating panulat, ay sinikap natin makuha ang panig ng Silver Griffin Security at nakausap natin sa cellphone si Mr. Wilfred Martin, ang may-ari ng agency.

Ibinigay niya sa PUNA ang cellphone number ng kanyang tauhan na si Arnel Lopez, supervisor/inspector ng Silver Griffin Security Agency.

Sa phone interview kay Ginoong Lopez, kumuha raw ng security services si Engr. Allan Cruz ng Jac Xyris na matatagpuan din sa lugar ang opisina.

Sinabi ni Lopez na may ipinakita raw na mga dokumento si Engr. Cruz kaya pumayag sila na maglagay ng kanilang guwardiya sa loob ng bakod ng bahay ni Ginang Espenera.

Ayon pa sa kanya, kaya raw pinalalagyan ni Engr. Cruz ng mga guwardiya ang lugar na nakabakod na kung saan may bahay si Ginang Espenera, para hindi mapasok pa ng ibang magtitirik ng bahay sa lugar.

Sina Allan Cruz, Ronnie Roxas at Roselo Espenera (asawa ni Arlene Espenera) ay minsan nang nagharap sa Brgy. San Isidro noong Pebrero 24, 2021 kaugnay sa usapin ng quarrying sa lugar.

Hindi nagkasundo ang dalawa kaya nagbigay na lamang ng certificate to file ang Brgy. San Isidro na pinirmahan nina Melencio Tolentino, Sr., Lupon Head; Nora Oro, Pangkat Chairman, at Hon. Karen Mae Hernandez, punong baran­gay ng Brgy. San Isidro.

Sinabi pa ni Ginang Espenera na minsan na sila ­inalok ni Cruz na bayaran sila ng P400K para lamang iwanan ang kanilang lugar subalit hindi sila pumayag dahil malaki na ang kanilang hirap sa pag-aalaga at ginastos sa nasabing lote.

Sinikap din natin na makuha ang panig ni Engr. Allan Cruz subalit hindi ibi­nigay sa atin ang contact number niya ng mga guwardiya na nakatalaga sa nabanggit na lugar.

Nililinaw lang po ng PUNA na wala po tayong pinapanigan kundi sa totoo lang po tayo, kaya pilit po nating kinukuha ang magkabilang panig.

Ang tanong po natin sa PNP-SOSIA, ano po ang parusa sa mga security agency na mapapatunayang nag-trespass sa loob ng bahay na nakabakod?

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa ­joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0919-259-59-07.

390

Related posts

Leave a Comment