ASAM ni Games and Amusements Board (GAB) Chairman Baham Mitra na pagbigyan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang kahilingan nila para sa live audience sa mga professional league tulad ng PBA, VisMin Super Cup, football, golf championship, volleyball, gayundin sa promosyon ng boxing at combat sports at horse racing.
“Hopefully yung face-to-face chess competition mapagbigyan na rin maibalik pati yung e-sports competition para makabawi na rin ang ating mga atleta at sponsors. Importante, susunod sa masinsin na safety and health protocol dahil priority pa rin naman ang kalusugan,” pahayag ni Mitra sa media conference via Zoom nitong weekend matapos personal na tanggapin ang ‘Commissioner of the Year’ award ng GAB sa World Boxing Council (WBC) Convention sa Mexico City, na dinaluhan ng mahigit 160 miyembrong bansa.
“This is the second time, the first in 2017, that WBC bestowed the Commission of the Year to GAB. We’re very thankful and honored. Ito po ang resulta ng pinagkaisang gawa ng ating mga kasama sa board at mga department head ng GAB,” sambit ng bagong board member ng pinakamalaking boxing organization sa mundo.
Sinabi ni Mitra, nagpadala na muli ng sulat ang GAB sa IATF hinggil sa pagluluwag sa pro sports. “Sa request namin dati, kahit 100 lang ang audience mapayagan na, pero hindi tayo napagbigyan.
But this time, bumaba na sa alert level 2 ang NCR, siguro mapagbibigyan na tayo. Nakabalik na ang ating mga kababayan sa mga mall, sa sinehan, yung capacity sa public transport tumaas na rin, yung live audience sa pro sports baka sakali mapayagan na rin.”
Dagdag pa niya: “Mahabang panahon na ring nagsakripisyo ang ating mga atleta. Kailangan na rin makabawi ang kanilang kabuhayan, gayundin mabigyan na ng kasiyahan ang ating mga sports loving kababayan na muling makalahok sa live sports game.”
