AGAD niratipikahan sa Kamara ang bicameral conference committee report ng P5.024 Trillion 2022 national budget bago ipasa sa tanggapan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Bago nag-adjourn ang sesyon ng Kongreso kahapon para sa kanilang Christmas break hanggang Enero 16, 2022, isinalang sa ratipikasyon ang huling budget ng administrasyong Duterte.
Tulad ng inaasahan, nabawasan ng mahigit P11 billion ang budget ang National Task Force-End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) subalit paldo pa rin ang mga ito dahil binigyan sila ng P16.9 billion na mas mataas ng halos P1 billion sa budget nila ngayong taon.
Aprubado sa Kamara ang unang hirit ng NTF-ELCAC na P28 billion budget para sa susunod na taon subalit P4 billion lang ang nais ibigay ng Senado. Sa huli, nagkasundo ang dalawang kapulungan na gawin itong P17 billion.
Pinalagan naman ito ni House deputy minority leader Carlos Zarate dahil tiyak na gagamitin lamang umano ng NTF-ELCAC ang nasabing pondo para sa red-tagging activities.
“These funds, rather than be spent on red-tagging, spreading of fake news and pork barrel, can be better utilized in ramping up our Covid response, especially with new rampaging variants, and, helping our suffering people,” ani Zarate.
Sinabi ng mambabatas na hindi maituturing na “COVID-19 pandemic responsive measure” ang 2022 general appropriations act (GAA) dahil napakaliit lang umano ang ibinigay na dagdag sa budget ng Department of Health (DOH).
“Maliit lang din ang dagdag sa health budget. Sa overview, P1.2 billion lang ang idinagdag sa health budget, kung ikukumpara naman ang P189.76, mas malaki pa rin ang budget ng AFP (P213.78 billion) at PNP (P190.69 billion),” ayon sa mambabatas.
Ang budget naman aniya para sa DSWD ay P204.76 billion lang na mas maliit ng kaunti sa budget ng PNP at AFP samantalang ang para sa Department of Trade and Industry (DTI), ang kagawaran na siya sanang tutulong sa mga nagsara/naluluging MSMEs, binawasan pa kaya P21.94 billion lang ang pondo nito sa 2022 mula sa P22.54 billion na kanilang ipinanukala.
“Buti pa ang NICA at NSC dinagdagan pa ng P1.455 billion at P418.569 million, respectively. Malayong-malayo pa rin ang health budget kung ikukumpara sa DPWH with P785.73 billion,” ayon sa mambabatas.
Subalit ayon kay House appropriations chairman Eric Yap, P50 billion umano ang inilaan ng mga ito para sa special risk allowances (SRA) ng healthcare workers at halos P50 billion para pambili ng booster shots laban sa COVID-19. (BERNARD TAGUINOD)
