KUMPIYANSA ang mga International private economist na lalakas pa ang magandang economic growth ng Pilipinas sa susunod na taon.
Sa katunayan, ayon kay Acting Presidential spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles, ang mga ekonomistang naglagak ng kumpiyansa sa bansa ay ang Goldman Sachs Economics Research, ang S&P Global Ratings, Pantheon Macroeconomics, Fitch Solutions, Capital Economics Asia at ang DBS Group Research.
Bukod sa mga ito aniya ay naniniwala rin ang Asian Development Bank o ang ADB sa magandang itatakbo ng ekonomiya ng bansa di lamang sa susunod na taon kundi pati ngayong huling bahagi ng taon.
Batay sa ADB outlook 2021, 5.1 % ang nakikita nitong paglago sa ekonomiya ng bansa habang aabot sa 6% sa 2022.
“Similarly, the Asian Development Bank (ADB) raised its economic outlook for the Philippines in 2021 and 2022. According to the Asian Development Bank Outlook 2021, the Philippines is expected to grow by 5.1% in 2021 and 6% in 2022,” ayon kay Nograles.
“The ADB says, and I quote, “Growth momentum has clearly picked up on the back of the government’s vigorous drive to vaccinate Filipinos against the COVID-19 virus.” anito.
Sa hanay naman ng mga economic manager ng bansa ay nasa 5.5% ang nakikitang paglago ng ekonomiya sa pagtatapos ng 2021 mula sa dating 4 to 5% forecast.
Lumakas kasi ang economic performance ng third quarter kasabay ng pagbaba ng naitatalang kaso ng COVID-19 bunsod ng pagbabakuna.
Samantala, wala pa ring naibibigay na pagtaya ang economic managers ng pamahalaan kung gaano ang posibleng ilakas ng ekonomiya sakaling maipatupad na ang Alert level 1 kahit sa ilang bahagi lang muna ng bansa.
Ani Nograles, ang tanging projection pa lamang na naibigay sa IATF ay ang mula sa Development Budget Coordination Committee.
Pero ito aniya ay projection sa ilalim ng Alert level 2.
Gayunpaman, maganda aniya na sa ilalim ng kasalukuyang Alert Level ang lahat ng nakikitang economic numbers.
Kabilang na dito ang positibong projections hindi lamang ng mga lokal na ekonomista kundi pati na ng international economists. (CHRISTIAN DALE)
——
