MAITUTURING na criminal neglect ang pagpapabaya ng mga ahensya ng gobyerno sa mga proyekto nito.
Ito ay kasunod ng pagpuna ng Commission on Audit sa 17 government agencies dahil sa kanilang mga nakatiwangwang o nakabinbing mga proyekto.
Sinabi nina Senate Minority Leader Franklin Drilon at Senador Panfilo Lacson na dapat papanagutin ang mga opisyal ng gobyerno na hindi nagpapakita ng malasakit sa paggugol ng pondo para sa mga makabuluhang proyekto.
Binigyang-diin ni Drilon na nangungutang ang bansa upang mapunan ang kakulangan sa pondo at maging sa bakuna at ayuda sa mga biktima ng bagyo.
Kaya naman, hindi anya makatarungan ang natuklasan ng COA na P1.44 trilyong idle funds na dapat ay gamitin na sa pag-ayuda sa mga sinalanta ng bagyong Odette.
Sinabi naman ni Lacson na panahon na upang kumilos ang Ombudsman o maging ang Department of Justice para kasuhan ang mga pabayang opisyal at tauhan ng gobyerno. (DANG SAMSON-GARCIA)
