NANANATILING misteryo ang pagkawala ng hindi bababa sa 34 kataong pinaniniwalaang pinadukot at pinapatay ng sindikato sa likod ng game-fixing sa larong sabong.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), nagsasagawa na sila ng imbestigasyon kaugnay ng mga naganap na pagdukot ng mga sabungero sa Maynila at mga lalawigan ng Bulacan, Laguna at Rizal – isang pahayag na karaniwan nang palusot para pahupain ang hinanakit ng mga pamilyang sukdulang nakikiusap na makita man lang ang kanilang padre de pamilya, patay man o buhay.
Ang totoo, sadyang nakakaalarma ang pagkawala ng mga sabungero lalo pa’t naiipit lamang sila sa dalawang nag-uumpugang batong kinatatayuan ng dalawang gambling lords.
Bulong ng ating kaibigan sa punong himpilan ng pulisya, game-fixing ang nakikitang dahilan sa pagkawala ng mga naturang indibidwal. Kwento pa niya, lumalabas na sangkot ang mga dinukot na kalalakihan sa bulilyaso sa palaro.
Ang modus – paglalarga ng tsopeng manok sabay pusta sa kabila ng taong nag-utos sa kanilang magbitaw. Sa totoo lang, walang maglalakas loob na gawin ang pilipit na diskarte kundi rin lang ipinag-utos ng nagpapalaro.
Sa tala ng pulisya, 10 katao ang dinukot sa magkahiwalay na insidente sa Laguna, anim sa Maynila, walo sa Rizal at ang pinakahuli ay ang pagdukot ng 10 indibidwal sa Bulacan.
Ang siste, ayaw makipag-tulungan ng mga prominenteng personalidad at maging yaong mga itinuturing na saksi sa mga nasabing insidente – pahiwatig na tila walang mangyayari sa isinasagawang imbestigasyon ng pulisya, gayundin sa hangad na makita pa ng mga naulila ang kanilang padre de pamilya.
Sa puntong ito, higit na angkop na suspendihin muna ang operasyon ng dalawang prominenteng gambling lord sa likod ng nakaka-adik na e-sabong.
Bukod sa 34 kataong dinukot, may sapat na dahilan ang gobyerno para rebisahin ang kanilang mga prangkisa lalo pa’t bukas maging sa mga kabataan ang palarong may kalakip na pustahan gamit lamang ang gadgets at cellphones na karaniwang gamit ng mga kabataan.
Isa lang ang tiyak – walang mabuting dulot ang e-sabong at iba pang uri ng sugal na kinahuhumalingan ng mga Pinoy.
256 