Babala ni PDu30 ngayong campaign period DRUG MONEY BABAHA NA NAMAN SA LGUs

NAGBABALA si Pangulong Rodrigo Roa Duterte laban sa paggamit ng impluwensiya ng pera mula sa ilegal na droga ngayon at nagpapatuloy na ang kampanya para sa halalan sa Mayo.

“Do not let drug money be used to influence the ongoing campaign and the outcome of the May 2022 elections and the ongoing campaign,” ayon kay Pangulong Duterte.

Sinabi ng Chief Executive na hindi naman lingid sa lahat na bumabaha at napapasok ng drug money ang local government units sa tuwing sumasapit ang eleksyon.

“Now, I say this because in every election, henceforth sa akin pati itong lahat na dumadating, nandiyan kasi yung drug money. And drug money has penetrated local government units,” ayon sa Punong Ehekutibo.

Giit ng Pangulo na alam ito ng mga alkalde.

Ang pahayag na ito ng Pangulo ay nabanggit niya nang pag-usapan ang posibilidad na pag-endorso niya ng presidential candidate kung makakakita siya ng “compelling reason” para baguhin ang kanyang pag-iisip at desisyon na suportahan ang isang kandidato subalit sa ngayon ay wala pa siyang napipisil na sinoman para suportahan.

Sa kabilang dako, inulit naman ni Nograles ang panawagan ng Pangulo na patas at maayos na eleksyon.

Sinabi rin ni Nograles ang paalala ng Pangulo sa publiko na umiwas sa drug money sa nalalapit na national elections.

“Let’s keep our elections fair, orderly, peaceful, and safe. Let us follow all the guidelines in terms of minimum public health standards at the guidelines of the Comelec (Commission on Elections), let’s follow and obey all the rules, regulations, and laws of the land and do not let drug money penetrate this election and this ongoing campaign,” pagbabahagi ni Nograles sa tinuran ng Pangulo.

Nitong Martes ay opisyal nang nagsimula ang bakbakan ng mga tumatakbo sa national positions.

Sa unang araw ng pangangampanya, kanya-kanyang pasabog sa naglalakihang proclamation rally ang mga presidential candidate.

Sa Philippine Arena sa Bulacan ginanap ang proclamation rally nina presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. — na patuloy sa pangunguna sa mga survey — at runningmate na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

Limitado sa 25,000 o kalahati lang ng kapasidad ng venue ang inilaan para sa mga dumalo kaya marami ang nagkasya na lamang sa panonood sa giant screen sa labas ng arena. Dapat ay fully vaccinated, may ticket at negatibong antigen test result ang mga dumalo.

Tiniyak ng kampo ni Marcos Jr. na sa mga debate na sponsored ng Commission on Elections sisipot ang kanilang kandidato, na ilang beses nang hindi dumalo sa ibang presidential interview at forum.

Sa kabilang dako, sa Camarines Sur naman idinaos nina presidential candidate Vice President Leni Robredo at running-mate na si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan, kasama ang ilang ineendorso nila sa pagkasenador, ang kanilang proclamation rally.

Kapansin-pansin naman na tila “stop and go” ang diskarte ng grupo kung saan isa-isang dumadating ang mga kandidato para magsalita sa publiko.

Nagdaos din ng caravan sa labas ng Camarines Sur ang mga tagasuporta ni Robredo.

Ang Simbahan ng Sto. Niño sa Tondo, Maynila ang una namang pinuntahan ng Aksyon Demokratiko standard bearer na si Isko Moreno kasama ang mga kapartidong sina Samira Gutoc, Carl Balita at Atty. Jopet Sison – kung saan ipinagdasal niya ang katapusan ng pandemya.

Makaraan nito ay binagtas niya ang Divisoria at sa mga kalye ng Tondo na dinagsa ng maraming tao, bagay na ikinagulat niya.

Hindi naman nagpaiwan si Partido Reporma presidential candidate Panfilo “Ping” Lacson sa pagsisimula ng campaign period dahil mismong sa kanyang bayang sinilangan sa Imus, Cavite inilunsad nila ng running-mate na si Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang pangangampanya.

Puntirya ng naturang tambalan na kumonsulta sa mamamayan para alamin at pag-usapan ang mga isyu, sa halip na mag-motorcade na dahilan pa ng traffic.

Gaya ng inaasahan, nagsimula naman ang kampanya ni Sen. Manny Pacquiao sa General Santos City kung saan siya ipinanganak.

Nagkaroon naman ng ilang pagbabago sa pangangampanya ni Pacquiao matapos ang ilang buwang pag-iikot. Hindi na makikitang naghahagis si Pacquiao ng mga P1,000 bill.

Nagkaroon naman ng kaunting aberya ang proclamation rally ni Ka Leody De Guzman matapos ianunsiyo ng Comelec na wala siyang permit para sa proclamation rally.

Alinsunod sa resolusyon ng Comelec, kinakailangang kumuha ng permit mula sa campaign committee ang sino mang magdadaos ng election campaign, 72 oras bago ang aktibidad.

Ayon kay De Guzman, hindi pa niya alam kung nakakuha ng permit ang kanyang partido. Gayunman, itinuloy nila ang motorcade pa-Bantayog ng mga Bayani, kung saan nagsalita si De Guzman bandang alas-8 ng gabi. (CHRISTIAN DALE)

147

Related posts

Leave a Comment