BAGO KA MAG-RESIGN, MR. DOOC…

KAKAMPI MO ANG BAYAN TEDDY

Hindi dapat magmadali na mag-resign ang presidente ng Social Security System (SSS) na si Emmanuel Dooc dahil ma­rami pa itong kailangang sagutin, lalo na sa napakababang koleksyon ng ahensya.

Matagal nang ipinupunto ng Bayan Muna na dapat ayusin ng SSS ang koleksyon nito, imbes na magtaas ito ng kontribusyon ng mga miyembro. Bilyun-bilyon ang mga kontribusyon at penalty ang hindi nakokolekta ng SSS sa mga employer, kahit pa kinakaltasan nila ang kanilang mga empleyado. Kailangang sagutin muna ni Mr. Dooc ang mga usa­ping ito, bago siya umalis sa kanyang katungkulan!

Kailangang magpaliwanag si Mr. Dooc kung bakit papataas ang mga hindi nakolektang premium mula pa 2016. Sa opisyal na ulat ng Commission on Audit (COA), P13.539 bilyon mula sa 61,260 employer noong 2013, P8.168 bilyon mula sa 97,366 employer noong 2014, P4.845 bilyon mula sa 13,886 employer noong 2015, P8.04 bilyon mula sa 8,088 employer noong 2016 at P13.77 bil­yon mula sa 122,658 employer noong 2017. Sinabi mismo ni Dooc na ang mga hindi nakokolektang premium o delingkwente ay aabot na sa P24 bilyon, at mayroon itong P79 bil­yon na outstanding loans.

Inamin din ni Mr. Dooc na nakakakuha lamang sila ng koleksyon mula sa 15-16 milyong miyembro mula sa kabuuang 36 mil­yong miyembro ng SSS. Talagang napakalaki ng kakulangan ng pamunuan ng SSS sa pagtitiyak ng koleksyon! Kailangan ay panagutan nila ito, lalo na ang presidente ng SSS.

Kailangang managot si Mr. Dooc sa malalang inefficiency ng kanyang ahensya at hindi siya dapat tumakas sa pananagutan na ito sa pamamagitan ng pagbibitiw sa puwesto. Kailangan niyang harapin ang usapin na ito, kasama pa ng iba pang ano­malya sa SSS. Kung ating maaalala, may mga isyu ng malalaking bonuses ang mga opisyal nito, samantalang hindi nila maibigay ang dagdag pang P1,000 pensyon ng mga seniors!  (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)

362

Related posts

Leave a Comment