PINAPAPLANTSA ni Senador Imee Marcos sa pamahalaan ang mga natitirang balakid sa agarang paglalabas ng fuel subsidy sa sektor ng transportasyon at agrikultura, kasunod ng pagsirit ng presyo ng langis sa 100 dolyar kada bariles.
Babala ni Marcos, chairperson ng Senate committee on economic affairs, na lalo pang sisirit ang presyo ng krudo at gas sa world market at mas magmamahal ang gasolina matapos bombahin ng Russia ang Ukraine.
Sinabi ni Marcos na dapat nang isapinal sa lalong madaling panahon ang implementing rules and regulations para sa paglalabas ng P500 million na fuel subsidy sa mga magsasaka at mga mangingisda.
Iginiit din ni Marcos sa Department of Budget and Management na huwag nang hintayin pa ang Abril at ilabas na agad ang mga ayuda o subsidiya para sa mga driver ng public utility vehicles, mga taxi, mga traysikel, at mga delivery driver.
Sa ilalim ng Special Provision No. 8 ng 2022 General Appropriations Act, maaaring maglabas ang gobyerno ng P2.5 billion na pang-fuel subsidy para sa sektor ng transportasyon kapag pumalo ang ‘average’ na presyo ng krudo ng Dubai sa $80 kada bariles sa loob ng tatlong buwan.
“Dapat desisyunan na natin kung ang ‘time frame’ o itinakdang panahon ay pinasimulan nitong Enero o mas maaga. Ngayong lampas na sa $100 kada bariles ang langis, ang ‘average’ na presyo ng krudo mula Nobyembre ay maaaring umabot sa $80 sa darating na linggo,” ani Marcos.
Sa harap nito, nanawagan si Marcos sa Department of Energy na humanap ng iba pang pagkukunan ng supply ng krudo para mabawasan o hindi laging umaasa ang Pilipinas sa importasyon ng langis sa Middle East.
“Pwede tayong bumili ng mas murang langis sa China, Russia at iba pang malalaking bansang supplier na hindi saklaw ng parusa o sanction system ng mga Western nations. Simulan din natin makipag-usap sa Venezuela at African countries para mapatatag ang ating supply at maparami ang reserbang langis,” rekomendasyon pa ni Marcos. (DANG SAMSON-GARCIA)
