PALABRA DE PELIGRO

SA inilabas na pahayag ng tigasing Tsina, ­tuluyan nang inangkin ang teritoryo ng ating bansa. Anila, kanila raw ang Bajo de Masinloc, ilang milya lang ang layo sa dalampasigang sakop ng lalawigan ng Zambales.

Ang masaklap, binalaan pa ang mga Pilipino sabay giit na kanila ang nasabing teritoryo – pahiwatig ng kanilang pagiging barako.

Taong 2016 nang lumabas ang pasya ng ­United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) na nagsabing hindi sa Tsina ang pinagtatalunang teritoryo, lalo pa’t hindi kailanman pwedeng angkinin ng nasabing bansa ang karagatang pasok sa itinakdang panuntunan sa ilalim ng probisyon ng exclusive economic zone – 200-milyang layo sa dalampasigan.

Pero ang Tsina, deadma lang kaya tuloy ang kanilang paghahari-harian. Ang siste, pinanghahawakan ng kanilang gobyerno ang pangako ng ating nakaupong Pangulo.

Sa halip na igalang ang pasya, ang kabuuan ng West Philippine Sea ay inangkin na nila, sukdulang gawing base militar ang anim nating isla.

Hindi maikakailang malakas ang bansang Tsina, at ang Pilipinas ay totoong wala talagang panama. Dahil hindi naman natin kayang tapatan ang kanilang armada, idinadaan na lamang sa ­paraang diplomasya.

Kung susuriin ang pasya ng UNCLOS, makikitang matabang at tila ba kulang sa matigas na paninindigan. Pag-amin mismo ng legal team ng gobyerno, walang kalakip na probisyon ang pasya para sa angkop na implementasyon.

Higit pa sa giit na karapatan at soberanya, mas nakakaalarma ang kanilang inilabas na babalang tila naghahamon ng isang digmaan sakaling kumontra tayo sa kanilang kagustuhan.

Pahayag ni Wang Wenbin na tumatayong tagapagsalita ng Chinese Foreign Ministry, igalang daw natin ang kanilang soberanya, karapatan at interes.

Ano nga ba ang interes nila sa ating karagatan? Kung babalikan ang mga nakalipas na pangyayari, hindi lang mayamang pangisdaan ang kanilang interes sa ating karagatan. Hangad din nilang makuha ang langis na nakadeposito sa kailaliman ng karagatan, bagay na makailang ulit nang ­pinatotohanan ng mga pag-aaral ng mga pribadong kumpanya at maging ng ating pamahalaan.

Ang totoo, walang karapatan ang bansang Tsina na magdikta kung sino lang ang pwedeng maglayag sa ating karagatan.

Para matigil ang kanilang kahibangan, kailangang amyendahan ng international arbitral court ang kanilang kapasyahan sa kapos na talatang magbibigay ng direktang kautusan sa bansang siga sa ating karagatan – bagay na mangyayari lang kung maghahain ng kahilingan ang ating pamahalaan.

Ang siste, malabong maghain ng pormal na kahilingan ang gobyerno, hangga’t hindi bumababa sa pwesto ang tampalasang Pangulo.

100

Related posts

Leave a Comment