BAKIT SI BBM AT ‘DI SI LENI?

MARAMING naniniwala na si Partido Federal ng Pilipinas (PFP) presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. (BBM) ang itinadhana na magmamana ng upuan na ­kinalalagyan ngayon ni outgoing President Rodrigo Roa Duterte.

Kung noong 2016 election sa isang iglap ay biglang lumamang si Leni Robredo kay BBM, nangyari ‘yun dahil hindi itinadhana sa kanya ang pagiging vice president.

Pero ngayon dahil sa kanya itinadhana (BBM) ang pagiging president, kahit na anong bato pa sa kanya ng putik ng mga katunggali niya ay hindi siya natitinag sa halip ay lalo pa siyang bumabango sa sambayanang Pilipino.

Maging nasa ibang bansa man o nandito lang sa Pilipinas ay napakaraming mga Pinoy ang naniniwala sa magandang layunin ni BBM para sa kinabukasan ng Inang Bayan.

Mula sa paulit-ulit na isyu ng Martial Law, nakaw na yaman, paglabas ng pekeng survey ng Rappler, emergency alert sabotage, cancellation of certificate of candidacy, disqualification of candidacy ni BBM, paglabas ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon, ginawang Isko-Sara (ISSA) tandem ni dating Cong. Zajid “Dong” Mangudadatu, pag-aaral ni BBM sa abroad at ang pinakahuli ay ang pandaraya raw sa buwis ng mga Marcos na umabot sa P203 billion.

Sa kabila ng napakaraming isyu o paninira ay hindi pa rin ito naging hadlang para lalo pang tumaas ang tiwala ng mga Pinoy kay BBM.

Naging malaking tulong kay BBM ang hindi niya pagganti sa mga naninira sa kanya na hanggang ngayon ay hindi pa rin tumitigil.

Sa dami ng mga isyung ibinabato sa kanya ay lalong napatunayan ng mga Pinoy na pwede siyang pagkatiwalaan na mamuno sa bansang nangangailangan ng magaling na lider na magpapaahon mula sa epekto ng COVID-19.

Lalo pang nagpalakas kay BBM ang kanyang walang humpay na panawagan sa sambayanang Pilipino na pagkakaisa.

Naniniwala kasi siya na sa pamamagitan ng pagkakaisa ay madaling makakaahon ang bansa mula sa mga paghihirap na dulot ng artificial at national calamities tulad ng COVID-19, mga bagyo at pagputok ng Taal Volcano.

Sa katunayan, marami nang iba’t ibang organisasyon at partido ang yumakap sa panawagan ni BBM na pagkakaisa.

Nariyan na ang iba’t ibang kaparian, retiradong mga opisyal ng militar at pulisya, transport sector, labor groups, social media influencer, media, overseas Filipino workers (OFWs) at iba pang sektor ng lipunan.

Sa kabila ng patuloy na pagtaas ng tiwala ng mga Pinoy kay BBM ay patuloy naman ang paglagapak ni Robredo sa mga survey.

Sa buwan ng Marso 2022 na Presidential Preference Survey ng Laylo, lumalabas na lalo pang inilampaso ni BBM ng 61% si Robredo na mayroong 19%.

Kung baga sa karera ng sasakyan mula Bicol hanggang Baguio City ay nasa Albay pa lang si Robredo habang si BBM ay nasa Metro Manila na.

Ganun kalayo ang distansiya sa labanang pangpanguluhan nina BBM at Robredo.

Sabi ng mga nakatatanda, kahit anong gawin ng mga katunggali ni BBM na paninira kung nakatadhana siyang maging presidente at papalit kay Pangulong Duterte, wala silang magagawa kundi tanggapin ang kanilang pagkatalo.

Magbalut-balot na kayong presidentiables na mga katunggali ni BBM, Bye! Bye! Bye!

Alam n’yo naman ‘yan sa mga sarili ninyo kung gaano ang pagtanggap sa inyo ng mga tao.

Selyado na ang milyun-milyong boto para kay BBM, Adios!

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0919-259-59-07.

236

Related posts

Leave a Comment