PINIGA ng Meralco Bolts ang talento at pasensiya ng katunggaling Barangay Ginebra Kings sa Game 1 ng Governors’ Cup best-of-seven final series noong Miyerkoles sa Smart Araneta Coliseum.
Wagi ang tropa ni Meralco coach Norman Black laban sa koponan ni Ginebra coach Tim Cone, 104-91, sa una nilang pagtatagpo sa season-ending conference ng 2021 PBA season.
Dahil sa pagkatalo ng Gin Kings, luhaang umuwi ang mayorya ng 12,457 fans na nanood sa Big Dome upang mag-cheer para sa crowd-favorite at 2019 defending champ Barangay Ginebra.
Samantala, nabuhayan naman ng loob ang mga loyalist ng prangkisa ng Manila Electric Co. na nabili ng MVP Group of Companies ni Many V. Pangilinan noong 2010, noong ang team ay Sta. Lucia Realtors pa.
Ngayon ay masasabing nasa team ng MVP Group ang momentum upang makaganti sa katunggaling RSA (Ramon S. Ang) Group ng San Miguel Corp. Pagkakataon na ng Meralco na mapatid ang 22-taong pagkauhaw sa titulo at maibalik ang nakalipas na panahon (1930s) nang dinomina ng Meralco Athletic Club ang basketbol sa Pilipinas. At maging noong 1970s, nang ang tinatawag na Meralco Reddy Kilowatts ay pinahirapan ang maalamat na Crispa Redmanizers noon sa amateur league.
Ngunit aminado si coach Norman, mahaba pa ang laban at kailangang masustenahan ng Bolts, partikular ng mga manlalarong sina Allein Maliksi at import Tony Bishop, ang panalo nila noong Game 1. Kailangan din hindi lumaylay ang hustle play ni Cliff Hodge at maging ng anak ni Black na si Aaron.
Kung tutuusin, lamang ang Meralco sa laban dahil ang makasaysayang Araneta Coliseum ay bahagi na rin ng MVP Group sa pakikipagpartner dito ng Smart. Kaya matuturing na tahanan na rin ito ng Meralco at sister teams nitong Talk ‘N Text Tropang Giga at NLEX Road Warriors.
Tatangkain ng Bolts na mapalawig ang kanilang kalamangan sa serye sa pagkuha ng ikalawang panalo ngayong araw, sa isa pang venue ng PBA Governors’ Cup na Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Samantala, sisikapin ng defending champ Barangay Ginebra na mapahaba ang serye at makatabla sa kanilang arch rival.
Problema, si Japeth Aguilar na workhorse ng Kings sa opensa at depensa ay injured.
At bagama’t bahagyang napupununan ni Christian Standhardinger ang kawalan niya, kailangan ng dagdag na ‘alas’ ng Ginebra upang mapigilang ma-dethrone sila ng matagal nang uhaw sa kampeonato na Meralco.
74