IMMIGRATION AIRPORT CHIEF POSITION, PINAG-AAGAWAN

MATAPOS ang kontrobersya ng umano’y katiwalian sa Bureau of Immigration ka­ugnay sa Pastillas Scheme ay tila hinahabol ng ilang tauhan ng ahensya ang natitirang panahon ng administrasyon upang makuha ang permanent position bilang hepe ng Port Operations Division.

Ang POD na isang departamento ng BI na may kapangyarihan sa lahat ng mga airport sa bansa, ang isa sa mga pangarap na posisyon at ­ngayon ay pinag-aagawan ng ilang aplikante habang hinihintay ang magiging desisyon ni DOJ Secretary Menardo Guevarra kung sino ang masuwerteng makakukuha ng plantilla.

Ayon sa impormasyon na ating natanggap, 7 katao ang nag-apply sa posisyon kabilang umano ang isang outsider at isang immigration officer na nasangkot at nakasuhan dahil sa Pastillas bribery scam na si alias “Robin”, na hanggang ngayon ay hindi pa nadedesisyunan ng korte kung sino ang mapatutunayang may pananagutan at maaaring matanggal sa serbisyo.

Kaduda-duda na sa pa­nahon ng eleksyon ay tila ­inaapura ng mga ito na makuha ang plantilla bilang hepe ng airport. Sino kaya ang nasa likod ng pag-apply sa posisyon ni alias Robin? Ito kaya ay upang masuportahan ang campaign funds ni “Batman” na gagamitin sa vote buying sa pagtakbo nito sa lokal na posisyon sakaling makumbinsi nito si Guevarra na siya ang piliin?

Matatandaang sa kainitan ng pandemya ay nagkaroon ng Senate inquiry sa 44 na tauhan ng BI matapos isiwalat ng mga lumabas na saksi at nagsilbing whistleblower, na ang nangyaring katiwalian ay itinurong kinasangkutan ng dating POD chief, na si Red Mariñas na ngayon ay tumatakbo sa pagka-alkalde ng Muntinlupa sa pangalawang pagkakataon, na nilampaso ni Mayor Jaime Fresnedi noong 2019 election.

Ano kaya ang magiging desisyon ni Secretary Menardo Guevarra? Pipili kaya ito ng taong kanyang ilalagay bilang POD chief sa kabila ng malalakas na backer ng mga aplikante o iiwanang bakante ang posisyon hanggang sa pagpasok ng bagong ­administrasyon?

Mula nang manungkulan bilang kalihim ng DOJ si Guevarra ay naging malinis ang kanyang record sa pamahalaan, naging tagapagtanggol ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte at naging patas sa mga nakasuhan sa Pastillas Scheme at nasunod ang due process ng batas.

Mula nang sumabog ang katiwalian sa airport ay tinanggal sa kapangyarihan ng POD ang TCEU at inilipat ito sa hepe ng intelligence ngunit maraming katiwalian pa rin umano ang nangyari lalo sa paglabas sa bansa ng undocumented Filipino workers dahil sa maruming kalakaran.

Ang trabaho ng Justice Secretary na napakabigat sa balikat ay ang patakbuhin ang ilang ahensya ng gobyerno kabilang ang NBI, NBP, BI at iba pa. Pinalitan noon ni Guevarra si dating Secretary Vitaliano Aguire dahil sa kaliwa’t kanang kontrobersya matapos ang P50M bribed money sa dalawang dating deputy commissioner ng BI at ang koneksyon umano nito sa pastillas issue.

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang ­SAKSI Ngayon – Patnugot)

357

Related posts

Leave a Comment