PATAYAN NA NAMAN!

MULA sa hilaga hanggang sa timog, malinaw ang banta ng karahasang kalakip ng nalalapit na halalan. Patunay nito ang mga insidenteng gumimbal sa mamamayan sa pagpasok ng buwan ng Abril kung saan higit na mataas ang antas ng sigasig ng mga kandidatong hangad ay manalo kesehodang makaperwisyo.

Matapos ang barilan sa lokalidad ng Pilar sa ­lalawigan ng Abra kung saan sangkot ang mismong alkalde at kapatid niyang bise, isa pang karahasan ang sumiklab sa bayan ng Malabang sa Lanao del Sur kung saan walo ang sugatan sa palitan ng ­putok ng magkatunggaling angkan ng mga pulitiko.

Nakalulungkot isiping walang bisa ang pagsasailalim ng naturang bayan sa kontrol ng Commission on Elections (Comelec), sa rekomendasyon ng Philippine National Police (PNP) kaugnay ng lantarang pamamayagpag ng mga private army ng mga pulitiko.

Bakit kamo? Dangan naman kasi, dalawang ulit pang naganap ang sagupaan – una ay bandang alas-9:00 Linggo ng gabi at tumagal ng limang oras. Bago pa man pumutok ang araw, ­muling naganap ang bakbakan.

Anong ginagawa ng Comelec at PNP sa nasabing lokalidad?

Ang totoo, hindi kayang tapatan o pumagitna man lang ng Comelec sa gitna ng putukan. Ang PNP naman, limitado ang kakayahan at sadyang walang panapat sa dami at lakas ng armada ng mga private army ng magkabilang panig.

Ang siste, hindi naman nagkatamaan ang mga tunay na magkalaban. Ang naitalang walong sugatan – pawang sibilyan, kabilang ang isang bata. Sila ang karaniwang biktima ng mga hidwaang dulot ng kasakiman sa kapangyarihan ng iilang naghahari sa malalayong lalawigan.

Heto pa ang masaklap, tumanggi ang PNP na pangalanan ang mga politiko sa likod ng nagsagupaang mga grupo, sabay kabig na baka raw walang kinalaman ang naturang karahasan sa nalalapit na halalan sa Mayo.

Kung tutuusin, may magagawa ang Comelec sa naturang hidwaan. Sapat nang dahilan para ­ipagpaliban ang halalan sa nasabing lugar kasabay ng pagtatalaga ng isang officer in charge ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa naturang bayang hitik lang sa dugo pero kulang naman sa responsableng pinuno.

Wala ni isa sa mga magkatunggali sa bayan ng Malabang ang dapat mamuno dahil malinaw na hindi serbisyo ang pakay nila kundi ang maghari sa kanilang itinuturing na imperyo.

 

93

Related posts

Leave a Comment