IGINIIT ni Senador Imee Marcos na kailangang maitama sa lalong madaling panahon ang maling distribusyon ng mga produktong pang agrikultura mula sa mga magsasaka tungo sa mga konsyumer, sa gitna ng napipintong krisis sa pagkain sa buong mundo sa taong ito.
Binigyang diin ni Marcos, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, na ang isang epektibong sistema ng distribusyon ay hindi lang tutulak sa produksyon ng pagkain at supply nito, kundi magbibigay rin ng kalinawan sa dami ng bigas, asukal, gulay, isda, karne ng baboy, baka, at manok na kailangang angkatin ng ating bansa.
“Ang mahinang sistema ng distribusyon ay lilikha lalo ng kakapusan sa gitna ng kasaganaan, pagsasayang sa gitna ng pangangailangan,” ani Marcos.
“Kailangan nating ilipat ang daloy ng kita mula sa mga kartel ng importasyon tungo sa mga lokal nating mga magsasaka at maihatag ang pinakamurang presyo ng pagkain sa publiko,” dagdag pa ni Marcos.
Para makamtan natin ang mga ito, sinabi ni Marcos na kailangang buhayin ng susunod na administrasyon ang “buong orihinal na sistema ng Kadiwa” at palawakin ang programang hihikayat sa mga batang magsasaka na dagdagan ang suplay ng pagkain sa ating bansa.
Tinawag ni Marcos na kalat-kalat ang operasyon ng sistema ng Kadiwa ngayon, na “palpak na bersyon sa orihinal nitong pakay, na magdudulot ng paulit-ulit na 3pagkabulok ng mga aning prutas at gulay.”
“Muli nating itatag ang dati na maaasahang institusyon na winasak ng isang mapaghiganting presidente na nagbenta sa imbakan ng Food Terminal sa Taguig para sa pinaborang negosyante,” ani Marcos na tumukoy sa sistemang pinairal ng gobyerno noong dekada ’70 kung saan bumaba ang presyo ng mga bilihin dahil sa direktang pagbili ng gobyerno sa mga magsasaka at pagbenta ng kanilang ani ng walang anumang ganansya.
Umaasa rin si Marcos na ang susunod na administrasyon ay maglalagak ng badyet para sa Young Farmers Challenge (YFC) program na inihain niyang Senate Bill 884 noong kakaupo pa lang niya Senado noong 2019.
“Ang adbokasiyang ito ay kinakailangang mas higitan pa ang pakontes na may papremyong suportado ng Department of Agriculture. Para makagawa ng malaking pagbabago, dapat makibahagi rito ang iba’t-ibang departamento ng gobyerno at mga local government units,” diin ni Marcos.
“Kailangan natin ng mga kabataang magsasaka na puno ng bagong mga ideya sa namamatay nang bokasyon ng pagsasaka na karamiha’y nasa 57 na ang edad, ” dagdag pa ni Marcos. (DANG SAMSON-GARCIA)
137