TINIYAK ng Philippine National Police (PNP) na paiiralin ng kanilang pwersa ang maximum tolerance sa kilos protesta ng mga tagasuporta ng mga natalong kandidato sa katatapos na Eleksyon 2022.
Kasabay nito, sinabi ng PNP na hindi nila hahadlangan ang kilos protesta dahil karapatan ng mga tao na magpahayag ng kanilang damdamin.
Sa press conference sa Camp Crame, sinabi ni PNP Officer in Charge Police Lt. Gen Vicente Danao na iniutos niya sa mga pulis na ipatupad ang maximum tolerance para hindi magkagulo.
Bahagi aniya nito ang paggalang sa mga nagsasagawa ng kilos protesta.
Samantala, umapela naman si Danao sa mga nagpoprotesta na huwag magdulot ng abala sa trapiko at manira ng public property.
Pwede aniyang magdaos ng mga aktibidad sa mga freedom park upang maiwasan ito.
Nauna nang sinabi ng PNP na naglatag na sila ng contingency plan para sa posibleng post-election violence.
Sa kabilang dako, ipinatitiyak ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa susunod na liderato ng bansa na makapagtatalaga ito ng pinuno ng (PNP) na hindi kurakot.
Ayon sa Pangulo, kapag tiwali ang maipupuwesto sa itaas, siguradong hanggang sa ibaba ay magiging corrupt.
Sigurado aniya na magkakanya- kanya na ang mga ito para gumawa ng iligal na gawain at mangyayari aniya ito kung ang nasa itaas ay dawit din sa mga anomalya.
Sinabi pa ng Pangulo na mabuti na rin na may takot sa magiging hepe ng PNP ng susunod na administrasyon ang mga tauhan nito sa gitna ng ipatutupad nitong mga panuntunan na may kinalaman sa anti-criminality campaign. (JESSE KABEL/CHRISTIAN DALE)
109