ZERO FAILURE OF ELECTION IBINIDA NG COMELEC

TAGUMPAY at maayos. Ganito inilarawan ng Commission on Elections (Comelec) ang ginanap na halalan nitong nakaraang Lunes, sa kabila pa ng mga naitalang aberyang nagdulot ng pagkaantala ng botohan sa iba’t ibang panig ng bansa.

Para kay Comelec Commissioner George Garcia, pinakamapayapa rin kumpara sa mga nakalipas na panahon ang idinaos na eleksyon. Katunayan pa aniya, wala ni isang lugar sa kapuluan ang idineklarang may “failure of election.”

Gayunpaman, aminado si Garcia na may mga pagkaantala sa botohan dahil sa mga palyadong vote-counting machines (VCM), bagay na aniya’y hindi naman nakaapekto sa integridad sa resulta ng halalan.

“Wala po kaming nabalitaan na kahit anong effect nito dahil nga po katulad sa isang area, nalagay sa Comelec control, ay napakadami pa rin pong mga tao ang nakapila at talaga naman pong nagnanais na makapasok sa ating mga polling place,” pahayag ng opisyal.

“Pero ikumpara po natin sa lahat ng eleksyon noong mga nakaraan, ito po ang pinaka tahimik as regards sa violence at saka issue ng terrorism,” hirit pa ni Garcia, nang hingin ang reaksyon hinggil sa mga naitalang pagsiklab ng karahasan sa Lanao del Sur, Basilan, Abra, at Nueva Ecija.

“These are isolated incidents and the AFP (Armed Forces of the Philippines) and the PNP (Philippine National Police) – and we’d like to appreciate them – are in full control of the situation in the entire country.”

190

Related posts

Leave a Comment