NAIPROKLAMA na bilang Pangulo at Pangalawang Pangulo ng National Board of Canvassers na binubuo ng mga miyembro ng Senado at Mababang Kapulungan ang tambalang BBM at Sara Duterte na nagwagi nitong nakaraang halalan matapos ang isinagawa nilang bilangan.
Mabilis na natapos ang bilangan dahil na rin sa kawalang pagtutol ng mga kampo nina VP Leni Robredo at Mayor Isko Moreno na kinatawan ng kanilang mga abogado.
Si BBM o Ferdinand Romualdez Marcos Jr. ang ika-17 na Pangulo ng bansa samantalang ika-14 na Bise-Presidente naman si Sara Duterte-Carpio.
Sa isang pahayag matapos ang kanyang proklamasyon, hinimok ng incoming president ang sambayanan na ipagdasal siya na magampanan niya ang kanyang tungkulin nang maayos.
Ayon sa Commission on Elections (COMELEC), ang nakaraang halalan ang siyang pinakatahimik at pinakamaayos magmula noong naging computerized ang halalan. Kahit pa mayroong mga isyu ng mga naglukong VCMs (Vote Counting Machines) na ayon sa naturang ahensya ay nasa maliit na bilang lamang.
***
Isa sa mga inabangan ng mga sumubaybay ng proklamasyon kahapon ni BBM ay ang presensiya ng kanyang ina at dating Unang Ginang Imelda Romualdez Marcos na naging emosyonal sa naturang seremonya.
Pero hindi lahat ng tao ay masaya sa pagbabalik ng pamilyang Marcos sa Malacañang. May bashers pa rin na nagtatanong kung bakit hindi raw nakakulong ang dating unang ginang na nasentensiyahan ng Sandiganbayan, ilang taon na ang nakararaan.
Gayon kaya naman pala nitong maglakad at dumalo sa mga kaganapan kahapon. Ganyan talaga ang buhay, may mga bida at kontrabida, hindi magiging makulay at makabuluhan ang pagkapanalo ni BBM kung walang kokontra.
Kung ako ang tatanungin, isa sa mga dapat unang gawin ni Pangulong BBM ay bigyan ng presidential pardon ang kanyang ina dahil matanda na ang unang ginang. Sigurado akong walang tututol dito dahil sa ating mga Pilipino, mas pinaparangalan ang mga ina kaysa ama pagdating sa pagpapalaki ng mga anak.
***
Nakakatawa naman ang ilang miyembro ng mga oposisyon na kinakabahan na balak daw baguhin ni BBM ang kasaysayan na may kinalaman sa EDSA 1 at sa Martial Law.
Mga hunghang! Hindi na kinakailangan na baguhin ni BBM ang nakaraan dahil ngayon palang ay gumagawa na ito ng panibagong kasaysayan. Dahil siya lang naman ang pinakaunang “majority president” na nahalal sa loob ng limampu’t tatlong taon.
Sa tingin ng inyong lingkod, hindi mag-aaksaya ng panahon ang incoming president dito. Dahil sa isang dating panayam dito ukol sa tanong sa muling pagsikat ng Marcoses, simple ang tinugon nito, “the internet happen”.
Dati kasi ay kakaunti lang ang mapagkukunan ng impormasyon ng mga tao na karamihan ay galit sa Marcoses pero ngayon dahil sa teknolohiya napakadali nang malaman ang mga bagay-bagay mula sa iba’t ibang sources.
Mapakikinggan ang programang Rapido Ni Patrick Tulfo sa DZME 1530 khz mula Lunes hanggang Biyernes at napapanood sa pamamagitan ng FB live sa Rapido ni Patrick Tulfo FB page at YouTube channel na patricktulfoofficial salamat po.
204