AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP
PORMAL nang naiproklama ng Kongreso at Senado ang bagong halal na Pangulo ng Pilipinas na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at Bise Presidente Sara Duterte. Dahil dito, ay nagsisimula na ring mabuhayan ng kalooban ang bawat mamamayang Pilipino na tuluyan nang susulong ang ating bansa lalo na’t ang Pangulo, Bise Presidente at maging ang mataas at mababang kapulungan sa kauna-unahang pagkakataon ay tila nasa iisang landas ng layunin na buhaying muli ang pagkakaisa bilang isang bansa.
Inaasahan ng bawat mamamayan na ang mga naihalal na mga opisyales ay magsisilbi sa layuning maiahon at mapaunlad ang ating Bagong Pilipinas. Personal akong naniniwala na magiging mabuting pangulo si PBBM at naniniwala ako na hinahangad nitong mapatunayan sa bawat isang Pilipino na mali ang mga paratang at bintang na itinatatak sa kanila ng administrasyong Aquino.
Kung kaya sa layunin nitong malinis ang kanilang pangalan ay tiyak na ang bansang Pilipinas at ang bawat Pilipino ang makikinabang nang husto.
***
Sa aking kolum noong nakaraang Miyerkoles ay ating binigyan ng puwang ang panawagan ni Lilibeth M. Abellar na nasa bansang Qatar.
Ayon kay Abellar, imbes na pagiging kasambahay ang kanyang trabaho, ay ginawa siyang caregiver para alagaan ang isang matandang paralisado. Labis siyang nababahala sa kanyang trabaho dahil baka ito ang kanyang ikapahamak o maging sanhi ng pagkakaroon ng kaso dahil maging ang pagturok ng insulin sa pasyente ay kanya ring ginagawa ayon sa utos ng kanyang amo.
Batid ni Abellar na mahigpit na ipinagbabawal sa batas ng Qatar ang pagturok ng anumang gamot sa pasyente kung hindi naman ito lisensyado para gawin ito.
Matapos nating mailathala ang sumbong na ito ni Abellar, ay agad na tumugon ang aking nirerespetong diplomat na si dating Undersecretary Rafael Seguis.
Ayon kay Usec. Seguis, bagaman siya ay retirado na bilang Undersecretary ng Department of Foreign Affairs, hangga’t kaya niya ay ibig pa rin niyang maging bahagi sa pagtulong sa mga nangangailangan na OFW, kung kaya ay agad niyang ipinarating kay Consul General Rousell Reyes ang sumbong ni Abellar.
Napakabilis ng ginawang aksyon ni ConGen Reyes na makipag-ugnayan sa foreign recruitment agency (FRA) at ipinaalam dito ang kalagayan at sumbong ni OFW Abellar. Nakipag-ugnayan naman agad ang FRA kay Abellar at nangako ito na agad itong iaalis sa kanyang kasalukuyang employer.
Hinihiling ni OFW Abellar na siya ay pauwiin na lamang sa Pilipinas dahil sa simula’t simula pa lamang ay sumira na sa kasunduan ang kanyang ahensya at ayaw na niyang muling maranasan ang kanyang pinagdaanang trabaho sa iba pang amo na iniaalok ng kanyang FRA.
Ang AKOOFW ay labis na nagpapasalamat kay dating DFA Undersecretary Rafael Seguis at kay Consul General Rousell Reyes sa kanilang mabilis na pag-aksyon sa sumbong ng ating kabayaning si Lilibeth Abellar.
***
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com.
100