WALANG KINIKILALA

SA kabila ng mga inihaing diplomatic protest ng Department of Foreign Affairs (DFA), hindi man lang natinag ang Tsina hinggil sa idinulog na pagdagsa ng mahigit 100 barko nila sa Julian Felipe Reef at Ayungin Shoal na kapwa sakop ng West Philippine Sea.

Katwiran ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian, “traditional fishing ground” nila ang buong South China Sea. ­Katunayan pa aniya, nakagisnan na ng kanilang mga mangingisda ang pumalaot saan mang bahagi ng malawak na karagatang sakop ng tinatawag na “common navigational route,” batay sa United Nations Convention on the Law of the Seas (UNCLOS) na nilagdaan ng mga Asyanong bansa taong 1982.

Higit pa sa UNCLOS, naglabas na rin ng pagpapasya noong taong 2016 ang UN Arbitral Tribunal na nagbabasura sa Nine-Dash-Line na giit ng bansang China.

Sa halip na igalang ang dalawang kalatas, ipinagpatuloy ng China ang pambabarako sa mga naglalayag na mangingisdang Pilipino sa teritoryong pasok sa itinakdang “exclusive economic zone” ng Pilipinas – sa ­hangaring bigyang daan ang pagpasok ng kanilang mga naglalakihang barkong sumisira sa ating bahura at nagnanakaw ng yamang dagat na ­tanging kabuhayan ng mga mamamalakayang Pilipino.

Ang nakatatawa, kaibigan daw ang turing ng Tsina sa Pilipinas.

Ang totoo, malayo sa mga katangian ng isang kaibigan ang panlalamang, pambabarako at panggugulang. Hindi rin angkop na manakit o ilagay sa peligro ng isang kaibigang bansa ang buhay ng mga mangingisdang Pilipino.

Malinaw ang nakalahad sa 2016 Arbitral Ruling – walang legal na basehan ang giit na historic rights at nine-dash-line claim sa ina­angking teritoryo.

Bakit nga ba ganun kalakas ang loob ng Tsina sa usapin ng West Philippine Sea? Dahil ba sa utang na loob ng paretirong punong ehekutibo sa kanila o dahil sa tinawag na basura ni Pangulong Rodrigo sa desisyon ng UN Arbitral Court?

May pagkakataon pa ang paretirong ­Pangulo. Sa kanyang mga nalalabing araw sa Palasyo, mas angkop na ituwid niya ang kanyang winika sa harap ng publiko.

177

Related posts

Leave a Comment