DPA Ni BERNARD TAGUINOD
KAILANGAN na nating tanggapin na kasama na natin sa ating buhay ang coronavirus diseases 2019 o COVID-19 at huwag na tayong gumaya sa China na nagpapatupad ng Zero-COVID policy dahil sa kanilang ambisyon na walang kahit isang COVID case sa kanilang bansa.
Lahat tayo ay nagkakaroon ng flu taon-taon. Wala pa akong kilalang tao na hindi nagkaroon ng trangkaso kahit isang beses sa isang taon na naihahawa sa mga close contact.
Meron ding mga namamatay sa trangkaso na mga bata kapag hindi naagapan at mga matatanda na tinatamaan ng virus na ito lalo na ‘yung mga may iniindang ibang sakit.
Pero nalulunasan dahil may mga nabibiling mga gamot sa trangkaso na hindi na kailangan ang reseta ng mga doctor at sanay na sanay na ang mga tao, hindi lang siguro sa Pinas kundi sa ibang mundo, sa sakit na ito.
Ibig sabihin, kasama na natin ang flu o trangkaso sa ating buhay kaya nga may mga flu vaccination program ang gobyerno taon-taon na libre at ‘yung mga may kaya sa buhay kahit papaano ay nagbabayad na lang para maproteksyunan sila sa virus na ito.
Wala nang ipinag-iba ang trangkaso sa COVID-19 na dapat na nating tanggapin na kasama na natin siya sa ating buhay kaya dapat itigil na ng mga health expert ang pananakot sa mga tao.
Kahit anong gawin ng mga health expert, hindi na mawawala ang COVID-19 at imposible nang magkaroon ng zero case kaya itigil na ang pananakot at huwag nang i-level-up ang alert level dahil lalo lang mahihirapan ang mga tao.
Saka meron nang gamot sa COVID-19, hindi ba? Bakit hindi payagan na lang ang mga botika na magbenta ng mga bakuna tulad ng pagbebenta ng mga gamot na pangontra sa trangkaso para kapag nagkaroon ng sintomas ang mga tao ay puwede silang makabili na hindi na kailangang dumaan sa burukrasya.
Palagay ko, kung magte-test lang ang gobyerno ng mga kaso ng trangkaso araw-araw, baka daan-daang libo ang kanilang maitatala samantala kapag nakapagtala lang ng 400 cases sa COVID-19 eh taranta na sila at nagpaplano pang itaas ang alert level para makontrol daw ang pagdami ng mga kaso.
Parang naiimpluwensyahan na naman tayo ng China na nagpapatupad ng istriktong polisiya para makamit ang kanilang ambisyon na Zero-COVID sa kanilang bansa at pagla-lockdown sa buong bayan o probinsya kapag nagkaroon ng kahit isang kaso sa lugar.
Hindi na kakayanin ng mga Pinoy ang panibagong lockdown o pagkontrol sa kanilang mga kilos dahil sa kanilang abang kalagayan ngayon lalo na’t tumataas ang inflation rate.
Gawin mo lang ang lockdown kapag kaya mong suportahan ang pangangailangan ng mga tao habang sila ay nakakulong sa kanilang bahay o kaya sa quarantine facilities.
‘Yung P500 nga na ipinangakong ibibigay sa bawat pamilya kada buwan sa loob ng 4 buwan bilang ayuda sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo na nakaapekto na sa mga pangunahing bilihin lalo na sa pagkain, ay hindi maibigay eh!
