SAKSI NGAYON INSIDER Ni FERNAN ANGELES
SA gitna nang patuloy na banta ng pandemya at lintek na droga, higit na kailangang palakasin ng pamahalaan sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang barangay ang una at direktang tumutugon sa tawag ng aberya, sakuna, alitan, pangangailangan at iba pa.
Pero iba yata ang paniwala ng Senado at Kamara. Dangan naman kasi, hindi nabigyang pansin ng 18th Congress ang inihaing panukalang Magna Carta para sa mga Barangay na para sa kanila’y may silbi lang sa tuwing sasapit ang halalan.
Ang totoo, higit pa sa political network ang nasa 42,000 barangay sa buong bansa. Sila mismo ang direktang nakasasalamuha ng masa. Sa tuwing may hindi pagkakaunawaan, barangay ang unang tinatawagan. Sa tuwing may nakawan sa komunidad, mga barangay tanod ang unang tumutugon. Sa tuwing may sakuna, barangay rin ang nangangasiwa sa pag-aalaga ng mga apektadong pamilya.
Ang programang pangkabataan, palakasan, kabuhayan kalusugan, at iba pa, sa kanila rin nakaatang. Ang masaklap, wala naman silang sapat na pinaghuhugutan sa pangangailangan ng kanilang pamayanan.
Sa tuwing kailangang may tutustusang programa at proyektong hindi kaya ng kanilang pondo, sina kapitan ang lumalapit kina congressman, sa gobernadora o ‘di naman kaya’y sa alkalde ng lungsod o bayang kanilang kinabibilangan.
Sa ilalim ng Magna Carta for Barangays na inihain ni Senador Bong Go, palalakasin ang barangay, pahahalagahan ang kanilang ginagampanang papel sa bayan at kikilalanin ang kanilang sakripisyong ipinapamalas sa tuwing may tawag ng pangangailangan ang kani-kanilang pamayanan.
Sa ilalim ng naturang panukala, tutumbasan ng tamang benepisyo ang mga opisyales at kawani ng barangay. Ang dating kapirasong allowance, itataas ang antas. Bukod sa kanilang sahod at mga karampatang benepisyo, layon ng panukala ni Go na bahagian ng pondo ang bawat isa sa 42,000 barangay para sa kani-kanilang mga proyekto. Hindi na kailangang mabaon sa utang na loob kina congressman, gob at mayor na kanilang pinakikiusapan sa tuwing may kailangang pondohan.
Prayoridad din sa ilalim ng Magna Carta ang pagtatayo ng isang pasilidad na pinagmumulan ng ligtas at malinis na tubig sa bawat 1,000 residente, angkop na patrol cars, sariling paaralan para ang mga mag-aaral ay hindi na lumayo pa, isang mainam na health center at disenteng punong bulwagan.
Layon din ng Magna Carta na direktang ipasok sa barangay ang pondong kailangan sa pagtatayo, pagkukumpuni at pagsasaayos ng mga imprastraktura at pasilidad sa kanilang mismong barangay.
Hindi kailangang maging bihag ng maruming pulitika ang barangay!
(Si Fernan Angeles ay editor-at-large ng SAKSI Ngayon)
138